Abante Tonite Interactive

Pulis na sangkot sa illegal drug inambus

561

Kritikal ang isang pulis matapos itong tambangan ng hindi nakilalang mga gunman habang sakay ng tricycle sa Lucena City, Lunes ng umaga.

Isinasailalim pa sa operasyon sa Quezon Medical Center sa Lucena City ang biktimang si PMSg. Louie Mirasol Vargas, 41, nakatalaga sa Quezon Police Provincial Office.

Ayon kay Police Col. Romulo Albacea,­ hepe ng Lucena PNP, sakay ang biktima ng tricycle nang pagbabarilin ng dalawang gunman sa national highway sa Brgy. Gulang-Gulang, alas-11:45 ng umaga.

Tumakas din ang mga suspek sakay sa isang motorsiklo.

Ayon sa record, ang biktima ay nasa floating status sa PHAO ng Quezon PPO matapos itong masibak sa puwesto sa Real Quezon police station dahil sa pagkakasangkot umano nito sa iligal na droga.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pangyayari. (Ronilo ­Dagos)