Abante Tonite Interactive

Pulis nambugbog, kulong

376

Inaresto ang isang pulis at kasama nito makaraang mambugbog ng riding-in-tandem na kanilang nakaalitan sa Quezon City kahapon nang madaling-araw.

Kinilala ni P/Brig. Gen. Joselito Esquivel, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga suspek na sina Police Corporal Omar Lopez, 31-anyos, nakatalaga sa Northern Police District (NPD), taga-No. 83 Bernardino Rd., Brgy. Bagbag, Novaliches at kasamang si Ajan Tigas, 19.

Ayon sa rumespondeng sina P/Cpl. Joule Recile, Pat. Melvin Cristobal at Pat. Ernesto Collado ng QCPD-Police Community Precincts Station 3, alas-tres nang madaling-araw nang bugbugin umano ng pulis at kasama nito sina Marlon Dela Cruz, 26, at Aljon Aromin, 29, ng Brgy. Bagbag, Novaliches.

Binabaybay umano ng mga biktima na magkaangkas sa motorsiklo ang Seminary Road corner Ero St., Novaliches, nang makagitgitan ang sinasakyan ng pulis at kasama nito hanggang sa magtalo ang magkabilang panig.

Nang huminto ang mga biktima ay hinablot umano ang mga ito ng pulis pababa sa motorsiklo saka binugbog kung saan ay tumulong din umano sa panggugulpi ang kasamang si Tigas.

Bagamat nananakit ang katawan dahil sa mga pasa ay nagtungo ang mga biktima sa kalapit na himpilan ng pulisya at inireklamo ang nambugbog na pulis at kasama nito na agad naaresto at kinumpiska sa pulis ang kalibre 9mm na baril na may isang magazine na puno ng bala.

Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong physical. (Dolly Cabreza)