Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pulis nangotong sa barangay hall

0 82

Arestado ang isang pulis na nakatalaga sa Que­zon City Police District (QCPD) sa kasong robbery extortion matapos ang isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG), Martes, sa loob ng isang ba­rangay hall sa nasabing lungsod.

Hindi na nakapalag nang arestuhin ng kan­yang mga kabaro ang suspek na si Police Corpo­ral Myrldon Linga Yagi, nakatalaga sa Holy Spirit Police Station 14 ng QCPD, dahilan upang kas­tiguhin siya ng hepe ng PNP na si General Guillermo Eleazar.

“Titiyakin natin na habambuhay na pagsisihan ni Police Corporal Myrldon Yagi ang ginawa ni­yang pangongotong lalo na kung lumabas sa imbestigasyon na talagang ginawa niya ito.”

Base sa ulat na natanggap ni Eleazar kay IMEG Director Police Brig Gen. Flynn Dongbo, inares­to ang nasabing pulis alas-9:30 kamakalawa ng umaga sa loob ng barangay hall ng Holy Spirit sa kahabaan ng San Simon St., matapos nitong tanggapin ang P2,000 entrapment money mula sa biktimang fruit vendor.

Napag-alaman na humingi ng P2,000 si Yagi sa biktimang vendor kapalit ng hindi umano pagwa­sak sa fruit stand ng huli sa Brgy. Pasong Tamo, at para rin maibalik ang cellphone ng biktima na nauna nang kinumpiska ng suspek na pulis.

Bukod sa pangingikil, sinabi ng biktima na binugbog pa siya ng pulis at tinutukan pa ng baril.

Matapos na posasan ng kanyang mga kabaro ay kinumpiska mula sa suspek ang marked money, Taurus 9mm pistol, dalawang magazines ng 9mm pistol na may 16 bala, PNP identification card at P1,635 cash.

Sa ngayon ay himas-rehas na ang suspek na pulis sa IMEG detention cell sa Camp Crame. (Ed­win Balasa/Dolly Cabreza/Issa Santiago)

Leave A Reply

Your email address will not be published.