Abante Tonite Interactive

Pulis nasakote sa carnap na sasakyan, walang lisensiyang baril

By
279

Swak sa kulungan ang isang pulis nang maispatang nagmamaneho ng nakaw na sasakyan at nahulihan pa ng baril na walang lisensiya sa Cubao, Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Joselito Esquivel Jr. inarestong kabaro na si PO2 Randy Batonghinog, 34-anyos, nakatalaga sa Cavite Police Station at naninirahan sa Brgy. Socorro, Cubao ng nasabing lungsod.

Naaresto si Batonghinog sa Gen. Aguinaldo Avenue corner Gen. McArthur Avenue sa Araneta Center ng mga ope­ratiba ng Cubao Police Station 7 sa pamumuno ni Supt. Giovanni Hycenth Caliao,

Una dito, isang Marta Gabriella Soler ang nagrenta umano ng Toyota Innova na may conduction sticker No. A3F234 mula sa RCB Rent A Car business noong Hulyo 28, 2018 sa kasunduang babayaran ito ng P50,000 kada ­buwan.

Pero hindi na umano nagbayad si Soler sa napagkasunduang buwanang renta sa sasak­yan nitong Setyembre at hindi na rin makontak kaya ipina-blotter na ito ng RCB Rent A Car sa presinto.

Alas-2:30 ng hapon noong Biyernes, naispatan ng empleyado ng car rental sa 13th Avenue, Brgy. Socorro, Cubao ang nasabing sasakyan kaya humingi ito ng tulong sa Cubao Police Station 7.

Rumesponde ang mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto kay Batonghinog.

Paliwanag naman ni Batonghinog na hiniram lamang niya ang sasak­yan sa ‘di pinangalanang kaibigan.
Nang kapkapan siya ay nahulihan naman ng walang lisensiyang ­Pietro Berretta caliber .32 na may serial Number DAA5221700 at may walong bala.

Ikinulong sa Anti-Carnapping Section ng QCPD si Batonghinog na kakasuhan ng paglabag sa New Anti-Carnapping Law of 2016 at Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.