Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pulis niratrat sa debut party

0 110

Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa kilalang salarin habang papauwi galing ng birthday party ng kanyang pamangkin, Linggo ng gabi sa Barangay Peñafrancia, Daraga, Albay.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan at dineklarang dead on arrival sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) si Police Staff Sgt. Allan Madelar, 49, nakatalaga sa Guinobatan Municipal Police Station (MPS) at taga-Purok 6, Villa San Jose Subdivision, Brgy. Bagumbayan sa bayan ng Daraga.

Sugatan din si Gabriel Llaguno, matapos tamaan ng ligaw na bala sa kamay nang tumakbo ang biktima patungo sa bahay nito.

Sa ulat ni Police Major Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol PNP, naganap ang insidente alas- 10:25 ng gabi sa Purok 3, Barangay Peñafrancia ng nabanggit na bayan.

Napag-alaman na pauwi na ang pulis galing ng debut ng pamangkin sa nabatid na lugar at pasakay na ito ng kanyang kotse nang bigla na lang sumulpot ang dalawang hindi pa kilalang suspek na pawang armado ng baril at pinagbabaril ito.

Nakuha pang tumakbo ng pulis subalit hinabol siya ng mga salarin at inabot sa harapan ng bahay ni Llaguno kung saan siya muling pinagbabaril sabay takas ng mga suspek sakay ng isang motorsiklo.

Patuloy ang follow up operation ng pulisya sa pagkakakilanlan at motibo ng mga suspek. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.