Abante Tonite Interactive

Pulis, pamilya winasak ng blackmail

1,988

Patong-patong na kasong kriminal ang kinakaharap ngayon ng isang 33-anyos na babae makaraang ireklamo ng nakarelasyong pulis dahil sa pangingikil at paninira na humantong sa pagkawasak ng buhay ng kanyang pamilya.

Naaresto sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa ng gabi ng mga ope­ratiba ng Manila Police District-District Police Intelligence Ope­rations Unit (MPD-DPIOU) ang suspek na kinilalang si Sophia Phoebe Magdalera Marcos, na inireklamo ng dati nitong kasintahan na si Ronilo de Guzman.

Nahaharap siya ngayon sa mga kasong robbery extortion na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act, identity theft sa social media, cyberlibel at grave threat.

Batay sa reklamo ni De Guzman kay Chief Inspector Rosalino Ibay Jr., hepe ng MPD-DPIOU, inakusahan nito ang dating karelasyon na si Marcos ng pangi­ngikil ng pera, pangha-hack at paninira sa social media ng kanyang pamilya.

Ayon kay Ibay, alas-6:30 ng gabi nang maaresto si Marcos sa lugar nito sa Sta. Cruz, Maynila matapos isa­ilalim sa entrapment operation at tanggapin ang P5,000 cash mula kay De Guzman.

Nabatid sa imbestigasyon na nakipaghiwalay na umano ang pulis na si De Guzman pero hindi ito matanggap ng suspek dahilan upang magbanta ito na sisirain ang buhay ng kanyang pamilya.

Nagawa umano ng suspek na ma-hack ang Facebook account ng mga anak na dalaga ni De Guzman at nakontak ang mga kaibigan at katrabaho ng mga ito.

Dahil sa ginawa ng suspek, natanggal sa trabaho sa isang five-star hotel ang isang anak ni De Guzman habang naalis naman sa pagka-scholar at nasibak sa pagiging presidente ng isang samahan ng mga estudyante ang isa pang anak niya. Nasipa pa umano sa eskuwelahan ang huli dahil sa paninira ng suspek.

May isang police superintendent na pinagbantaan din umano ng suspek na sisirain sa publiko kapag hindi sinibak sa serbisyo si De Guzman.

Dahil sa pagwawala ng suspek ay naging magulo ang buhay ng pamilya ni De Guzman kaya idinulog na nila ito sa tanggapan ni Ibay nang muling mangulit si Marcos at pilit na pinapupunta sa isang hotel si De Guzman at hinihingian ng P5,000.

Nangako umano ang suspek na titigilan na niya ang pamilya ni De Guzman kapag pinuntahan siya nito at bibigyan ng pera.

Dito na siya isinailalim sa entrapment operation na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.