Abante Tonite Interactive

Pulis-Pasay inasinta sa mukha, leeg ng rider

By , ,
0 512

Patay ang isang opis­yal ng Philippine National Police (PNP) makaraang tambangan ng isang lalaki na sakay ng motorsiklo habang lulan ang biktima ng kanyang owner-type jeep sa Pasay City kamakalawa ng hapon.

Hindi na umabot nang buhay sa San Juan De Dios Hospital si Inspector Allan Ortega, 47-anyos, dahil sa apat na tama ng bala, dalawa sa leeg, isa sa pisngi at isa sa tuhod mula sa kalibre .45 na baril.

Nabatid na nakatalaga si Ortega sa Pasay City Police Community Precinct 4 at naninirahan sa Tramo Riverside, Barangay 156 Zone 16 ng nasabing lungsod.

Batay sa imbestigasyon nina SPO3 Joel Landicho at SPO1 Rodolfo Soquina, dakong alas-4:35 ng hapon nang maganap ang pananambang sa biktima sa Andrews Avenue malapit sa Gate 2 ng LRT Depot.

Sakay ng kanyang owner-type jeep ang biktima nang tambangan ng nag-iisang lalaki na lulan ng motorsiklong walang plaka.

Apat na beses na pinaputukan ng suspek si Ortega at nang masigurong napatay na ito ay mabilis na tumakas.

Sinaklolohan siya ng mga taong nakakita sa pangyayari at isinugod sa nasabing ospital pero idineklarang dead-on-arrival ni Dr. Reginaldo Ponopio.

Ayon kay Senior Inspector Crisanto Racoma, hepe ng Pasay City PCP 4, may isang buwan pa lamang na naka-assign sa kanilang presinto si Ortega na dating nakatalaga sa PCP-9.

“Sa ngayon po ay nagsasagawa pa kami ng malalimang imbestigasyon, wala po kaming alam na kaaway nito dahil bago lamang at kalilipat lamang sa presinto,” ani Racoma.

Bumuo na ang Pasay City Police ng special investigation team para imbestigahan ang pamamaslang kay Ortega.