Abante Tonite Interactive

Pulis pinagtutulak ang dyowang celeb

603

BIGLANG may naalalang kuwento ang isang nakausap namin nang magsalita ang isang mataas na pinuno ng kapulisan na mismong ang mga tiwaling miyembro ng kanilang hanay ang nagpapabenta ng mga drogang nakukumpiska ng mga ito.

Kuwento ng aming kausap, “‘Yung kuwento na ‘yun, pamilyar sa akin ang ganu’n. Meron kasing isang kilalang female personality na nagsabi nu’n sa amin na totoo ‘yun!

“Nagkaroon daw kasi siya ng boyfriend na pulis, nu’ng matagal na ang relasyon nila, e, mismong ang karelasyon niya ang nagpapahanap sa kanya ng mapagbentahan ng mga nahuhuli nilang droga!

“Dahil may bisyo rin ang girl, ayun, nagkakasundo sila ng BF niya! Libre na nga naman ang mga kailangan niya, sobra-sobra pa, wala na siyang gastos sa pagbili ng mga pektus niya!” madiing pag-alala ng aming impormante.

Nagbago na raw ngayon ang female personality, pinagbago raw siya ng kanyang bagong karelasyon, isinusumpa na raw niya ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Female celebrity ibinugaw ng car dealer

KALAT na kalat na ang kuwento. Isang araw ay magsasadya sa piskalya ang isang kilalang female personality para kasuhan nang patung-patong na asunto ang mismong kaibigan ng itinuturing niyang boss.

Nu’ng nakaraang taon pa naganap ang pambubugaw sa kanya ng isang car dealer, kinimkim lang ‘yun ng female personality dahil sa matinding takot, pero may ginawa ang kaibigan ng kanyang boss na hindi na niya kinaya.

Kuwento ng aming source, “Nagkaroon sila ng falling out nu’ng car dealer, ipinadala ng lalaki ang mga pictures niya habang nasa akto sila ng pagroromansa nu’ng lalaking inireto sa kanya.

“Hagulgol nang hagulgol ‘yung female personality, parang gusto na niyang magpakamatay, dahil ang isa sa mga napagpadalhan ng pictures niya, e, ang mismong boss niya sa isang show,” pahayag ng aming impormante.

Wasak na rin ang malalim at mahabang pinagsamahan ng male TV host at ng car dealer. Sayang na pagkakaibigan.

Angel-Neil kasal walang atrasan

NAGHIHINAY-hinay na sa preparasyon para sa kanilang pagpapakasal sina Angel Locsin at Neil Arce. Ang mahalaga ay tuloy ang kanilang pagpapakasal, silang dalawa pa rin ang magtatagpo sa altar, kalmado lang muna sila ngayon.

Dahil sa sinabi ni Angel ay natural lang na nabulabog na naman ang kanyang mga bashers. Kung anu-ano na namang sapantaha at ispekulasyon ang ibinabato ng mga ito laban sa aktres.

Muling nabuhay ang kuwentong baon diumano sa utang ang kanyang mapapangasawa, hindi raw totoong milyonaryo si Neil Arce, businessman lang daw ito na hindi naman kalakihan ang kinikita.

Unang-una ay hindi dapat sukatin ang relasyon nina Neil at Angel sa pera. Ang pinakamahalaga ay ang kanilang pagmamahalan at hindi ang aspetong pampinansiyal at materyal.

Pero umangat ang isang kaibigan ni Neil Arce na nagkataong kaibigan din namin, madiin nitong sinabi na low profile lang ang negosyante, pero hindi makakayang ubusin nang dantaon ang kayamanan ng boyfriend ng aktres bilang solong tagapagmana ng mga ari-ariang meron ang kanilang pamilya.

Saka tama lang ang kanilang desisyon. Pinakamagandang kasalan ang gustong maganap ni Neil Arce, kung bibilisan nila ang paghahanda ng kanilang kasal ay siguradong marami silang makakalimutang detalye, isang maipagmamalaking wedding ang pangarap ni Neil Arce para kay Angel Locsin.

Mas maganda nang hindi sila nagmamadali, pero tuloy ang komunikasyon nila ng kanilang wedding planner, walang kasalang mauudlot.

Sina Neil Arce at Angel Locsin pa rin ang magpapalitan ng mga pangako at “I do” sa harap ng altar.