Abante Tonite Interactive

PULIS-PROBINSYA NAMARIL SA QC

204

Swak na sa kalaboso ay tiyak pang uulanin ng kaso ang isang pulis-probinsya matapos na walang habas na mamaril sa Quezon City kung saan ay tatlo katao ang tinamaan kabilang ang isang 8-anyos na batang babae kamakalawa ng gabi.

Sa report na isinumite kay Quezon City Police District (QCPD) acting Director Sr./Supt. Guil­lermo Lorenzo Eleazar, ni P/Supt. Rodel Marcelo, hepe ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) nakilala ang suspek na si PO3 Edgar Nargatan y Navallas, nakatalaga sa Regional Public Safety Batallion (RPSB), Police Regional Office (PRO) 4A-CALABARZON.

Habang nakilala naman ang mga nasugatang mga biktima matapos tamaan ng ligaw na bala na sina Ma. Shiela Gil­dore, 27, Ricardo Abella, 29, kapwa naninirahan sa Bagbag, Novaliches at si Desiree Mendez, 8, ng Maya St., Barangay Ugong, Valenzuela City.

Base sa imbestigadyon ni PO3 Jim Barayoga ng CIDU, nangyari ang insidente dakong alas-10:00 ng gabi sa Quirino Highway, kanto ng Franco St., Barangay Bagbag, Novaliches.
Galing umano sa inuman si Nargatan at lasing na lasing at nagwawala ito sa nasabing lugar hanggang basta na lang umanong bumunot ng baril at magpaputok na naging sanhi para tamaan ang mga biktima na masuwerte naman pawang hindi nagtamo ng grabeng tama ng bala.
Ang biktima na si Galdorie ay tinamaan sa kaliwang paa, si Abella ay tinamaan sa kanang braso habang ang 8-anyos na si Mendez ay tinamaan sa kaliwang paa at pawang isinugod sa Novaliches District Hospital.

Makaraan ang pamamaril ay agad namang naaresto ng mga tauhan ng QCPD Precinct Station (PS)-4 ang suspek na si Nargatan at itinurn-over at nakakulong sa CIDU Detention Cell sa Camp Karingal.