Abante Tonite Interactive

Pulis-QC kalaboso sa pagpapaputok

180

Isang pulis-Quezon City ang inaresto ng mga elemento ng Manila Police District-Station 4 matapos ireklamo ng pagpapaputok ng kanyang service firearm sa tinutuluyang apartelle sa Sampaloc, Maynila Sabado nang gabi.

Matapos arestuhin ay binitbit sa MPD General Assignment and Investigation Section si Police M/Sgt. Winsfer Molina, 42-anyos at nakatalaga sa Masambong Police Station 2 ng Quezon City.

Nalaman sa imbestigasyon na tumawag sa 911 si Napoleon Cruz, 63-anyos, na siyang may-ari ng NMC Building sa Josefina St., Sampaloc, Maynila dakong alas-9:30 nang gabi matapos makarinig ng putok mula sa inookupahang Room 2017 ni Molina.

Rumesponde ang mga pulis sa lugar at sinamahan ni Cruz sa kuwarto ni Molina.

Nabatid na naiwan pa ni Molina ang susi sa pintuan kaya agad nakapasok ang mga pulis sa loob ng kanyang kuwarto para alamin ang nangyari.

Inabutan ng mga pulis si Molina na natutulog sa kama at nakita naman ang service firearm nitong 9mm na Beretta sa ibabaw ng silya malapit sa kanyang kama.

Nakakuha rin ang mga pulis ng isang basyo ng bala at tatlong magazine ng 9mm.

Sasampahan si Molina ng kasong illegal discharge of firearms sa Mnaila Prosecutor’s Office at mahaharap din sa kasong adminis­tratibo.