Abante Tonite Interactive

Pulis sinampal, minura ng babaeng Fil-Am

517

Arestado ang isang ginang na Filipino-American nang murahin at sampalin ang isang pulis sa Las Piñas City nitong Lunes nang hapon.

Nakakulong ngayon sa detention cell ng Las Piñas City Police ang suspek na si Cheryl Bautista y Hawkins, nakatira sa Barangay 1 Tunasan, Muntinlupa City.

Ayon kay Police Col. Simnar Gran, hepe ng Las Piñas City, nakatanggap sila ng tawag noong Lunes ng alas-5:30 nang hapon, ukol sa isang kustomer sa TGIF restaurant sa Daang Hari Road ng nasabing lungsod na sinasabing nagwawala.

“May customer na may unruly behavior, Nagsisigaw, nagmumura,” ani Gran.
Sinabi ni Gran na hindi umano tinanggap ang credit card ng ginang na pambayad sana niya sa bill ng kanilang kinain.

Nang dumating sina Pat. Rudolf Dapon at Police Cpl. Wency Gascon, at tatanungin ang ginang ukol sa insidente at reklamo ay nagwala umano ito at pinagmumura ang dalawang pulis at sinampal pa umano si Dapon.

Sa kuha ng video, pinakakalma ng pulis ang ginang pero tuloy pa rin ito sa pagsisigaw at nakiusap rin ang kasamang babae ni Bautista na si Mark Edina Bartender, na huwag magwala at mag-ingay.

Nang muling murahin at dinuro-duro si Dapo ay aarestuhin na sana niya ang ginang subalit sinampal siya nito.

Sinabi ni Gran na nakainom umano ang ginang nang mangyari ang insidente.

“Allegedly ‘yung customer ay medyo tipsy. So medyo naging unruly na ‘yung behavior niya,” sabi pa ni Gran.

(Armida Rico)