Abante Tonite Interactive

Pulis sumugod, namaril sa kasal

404

Patay ang isang lalaking bisita habang sugatan naman ang groom matapos na mamaril ang isang pulis sa ginaganap na wedding celebration Linggo nang gabi sa San Jose Del Monte City, Bulacan.

Dead on-the-spot ang biktimang si Margarettee Cleavan Rosal, 26, na nagtamo ng mga bala sa katawan habang sugatan naman matapos tamaan ng kalibre .45 baril sa hita ang groom na si Reggie Tulosa.

Samantala sugatan naman ang suspek matapos magtamo ng bala sa tiyan na ngayon ay bantay sarado sa Sapang Palay District Hospital na si Patrolman Jessie Gubat, 27, nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Cabanatuan, Nueva Ecija.

Ayon kay P/Lt. Col. Orlando Castil, hepe ng San Jose Del Monte City PNP, naganap ang insidente dakong alas-10:40 nang gabi sa Brgy. Citrus nang nasabing lungsod, habang nasa kalagitnaan ng selebrasyon ng isang kasal ng bigla na lang sumulpot ang suspek na armado ng kalibre .45 baril at hinahanap si Rosal.

Ang pagwawala ng suspek ay sinubukan namang awatin ng groom na si Tulosa subalit nabaril ang huli sa hita ng pulis.

Nag-agawan naman ng baril si Gubat at si Rosal hanggang sa makuha ng huli ang baril ng una kaya tumakbo pauwi ang pulis ngunit pagbalik ay may dalang isa pang baril at pinagbabaril si Rosal.

Bago masawi ay nakuha pang makaganti ni Rosal ng putok at nabaril din sa tiyan ang suspek.

Lumalabas sa imbestigasyon na isang babae ang pinagmulan ng away ng suspek at ng nasawing biktima na pareho nilang naging live-in partner. (Edwin Balasa)