Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pulis timbog sa areglo kaso

0 350

Arestado ang isang pulis sa isinagawang entrapment operation ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) dahil sa pangingikil niya sa pamilya ng drug suspect kapalit ng umano’y pagbasura ng kaso nito sa Zamboanga City.

Hindi na nakapalag nang posasan ng kanyang mga kabaro ang suspek na si Police Corporal Alexis Garcia, imbestigador ng station drug enforcement team ng Police Station 11 ng Zamboanga City Police Office.

Sa ulat ni PNP-IMEG Director Brig. Gen. Flynn Dongbo kay PNP chief General Eleazar, naganap ang pag-aresto alas-3:10 ng hapon matapos ang isinagawang entrapment operation laban sa pulis sa Mayor Climaco Avenue ng lungsod.

Nag-ugat ang pag-aresto matapos magreklamo ang pamilya ng isang sinasabing babaeng drug suspek na nauna nang naaresto ng mga tauhan ng Police Station 11 hinggil sa umano’y paghingi ng P120,000 ni Garcia upang mabasura ang kaso at hindi na madala sa Zamboanga City Jail ang akusado.

Dahil dito, nagkasa ng entrapment operation ang tauhan ng IMEG Zamboanga Field Unit laban kay Garcia gamit ang marked at boodle money na ikinaaresto nito.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng CIDG Zamboanga Field Unit ang suspek na pulis. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.