Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pulis timbog sa bakuna card kotong

0 156

Arestado sa kasong robbery extortion ang isang aktibong pulis sa Bayambang, Pangasinan matapos ang ikinasang entrapment operation ng kanyang mga kabaro dahil sa pangongotong niya ng tig-P500 sa mga dumadaang motorista na walang naipakitang COVID-19 vaccination card.

Dakong alas-7:15 ng gabi nitong Martes nang posasan ng mga tauhan ng Philippine National Police – Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang suspek na si Police Corporal Daniel Penuliar, nakatalaga sa Bayambang Municipal Police Station (MPS).

“There will be no respite in the crackdown against scalawags amid the Alert Level 2 restrictions within Metro Manila. We are intensifying our monitoring of policemen involved in all forms of illegal activities and we will apprehend them as soon as we have enough evidence,” pahayag ni P/BGEN Oliver Enmodias, director ng PNP-IMEG.

Dinakip ang suspek na pulis sa isang checkpoint sa Barangay Pantol sa bayan ng Bayambang sa isinagawang entrapment operation matapos tanggapin ang marked money ng isang pulis na nagpanggap na motorista na kanyang pinara habang papadaan sa lugar sakay ng isang motorsiklo, ayon kay Enmodias.

SM food to go Banner Ad

Ang modus ni Penuliar ay parahin ang mga dumadaang motorista sa lugar at hahanapan ito ng vaccination card, at kapag walang maipakita ay hihingan niya ito ng P500 para makatawid.

Isinagawa ang entrapment operation ng Luzon Field Unit ng PNP-IMEG kasama ang isang unit ng Special Action Force laban sa nasabing pulis matapos magreklamo ang mga motorista sa pulisya hinggil sa ilegal nitong gawain.

Samantala, nananawagan ang pamunuan ng PNP-IMEG sa publiko na sakaling mayroong mga pulis na gumagawa ng ilegal na gawain ay huwag matakot at agad magsumbong sa pinakamalapit na presinto o tumawag sa kanilang hotline sa mga numerong 09989702286 at 09957952569. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.