Abante Tonite Interactive

Pulis tinodas ng rider

0 2,009

Bumulagta sa kalsada ang isang pulis-Maynila matapos pagbabarilin ng isang suspek na sakay ng motorsiklo habang naglalakad ang biktima sa Sta. Cruz kahapon ng umaga.

Kinilala ni Manila Police District director Chief Supt. Joel Coronel ang pinaslang na si PO1 Manuel Cabusao, 31-anyos, nakatalaga sa Station 10 at residente ng No. 1217 Seve­rino Reyes Street sa Sta. Cruz.

Sa pag-iimbestiga ng Homicide Section, dakong alas-10:34 ng umaga nang mangyari ang pamamaril habang naglalakad ang biktima sa panulukan ng Tomas Mapua at Remigio Street sa Sta. Cruz.

Matapos matiyak na napuruhan ang target na pulis ay mabilis nang tumakas ang suspek.

Blangko pa ang mga imbestigador ng Homicide Section sa pagkamatay ni Cabusao, partikular sa motibo ng pamamaslang at kung sino ang suspek.