Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pulis todas, 8 sugatan sa NPA

0 320

Patay ang isang pulis habang walo pa ang sugatan at dalawa ang nawawala matapos ang naganap na engkwentro kontra mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Magsaysay, Occidental Mindoro kahapon ng umaga.

Kinilala ang napatay na si Police Executive Master Sergeant Jonathan Alvarez habang sugatan naman ang mga kasamahan nitong sina PSSg Dexter Sagun, Patrolman Armando Pulido, Corporal Kim Jason Dimalaluan, Staff Sergeant Edwin Vergara; PSSg Michael Sualog; PSSg Michael Enero; PSSg Nolito Develos, at Patrolman Danny Soriano.

Samantala, nawawala at patuloy pang pinaghahanap ang dalawa pa nilang kasamahan na sina Corporal Stan Gonggora at Corporal Nicolas Estocapio Jr.

Base sa inisyal na ulat kay Lt. Col. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng Police Regional Office 4-B (Mimaropa), dakong alas-10:30 ng umaga ng magkasagupa ang mga miyembro ng 1st Occidental Mindoro Provincial Mobile Force kontra sa hindi pa batid na dami ng mga rebelde sa Sitio Banban, Brgy. San Nicolas, Magsaysay.

Inaalam pa kung may napatay din sa hanay ng NPA na mabilis nagsitakas matapos ang ilang minutong palitan ng putok.

Dinala na sa pagamutan ang mga nasugatang pulis habang patuloy ang ginagawang pagtugis ng mga operatiba sa mga tumakas na rebelde. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.