Abante Tonite Interactive

Pulis utak ng kidnap gang sa Laguna

By
3,412

Kinumpirma ni Phi­lippine National Police (PNP) Anti-Kidnapping Group director Sr. Supt. Glen Dumlao na isang pulis ang mastermind sa nangyaring pagdukot sa isang high-value target na drug personality sa San Pablo, Laguna ng isang grupo ng mga kidnapper na napatay sa engkuwentro ng mga awtoridad.

Kinilala ang sinasabing utak ng kidnapping na si SPO2 Leo Leal Pamonag na nakatalaga umano sa Police Regional Office 4A sa Calabarzon.

Napag-alaman na mismong si Pamonag umano ang namuno sa pagdukot sa high-value target na si Ronaldo Arguelles na nai­ligtas ng mga awtoridad matapos ang madugong sagupaan sa Maharlika Highway, Brgy. San Nicolas, San Pablo.

Nagsisilbi umanong financier si Pamonag ng limang suspek na nasawi sa engkuwentro.

Sinabi ni Dumlao na ipinadukot ni Pamonag si Arguelles dahil ipinahuli nito ang isang drug ­runner ni Pamonag.

Hawak na ngayon ng mga awtoridad si Pamonag makarang mahuli sa ikinasang follow-up operation ng mga pulis.

Nalulungkot naman si Dumlao dahil lumalabas na ipinagkanulo ni Pamonag ang kanyang mga kabaro at sinisira ang imahe ng institusyon dahil lamang sa pera.

“Nakakalungkot nga, pinagkanulo niya kapwa pulis niya, sinisira pa niya ang institution kung saan doon siya nabubuhay. Ang laki na ng suweldo niya, tapos may namatay pa na kapwa pulis. Nasaan na konsensiya nu’ng gago na ito?” galit na pahayag ni Dumlao.

Bukod sa limang suspek na napatay sa engkuwentro ay isang ­policewoman ang nasawi rin sa naganap na ­barilan ­habang tatlong pulis ­naman ang nasugatan.

KARANGALAN SA MGA PULIS

Bibigyan ng parangal ng PNP ang mga miyembro ng Anti-Kidnapping Group at Candelaria Municipal Police Station dahil sa ipinakitang kabayanihan sa pakikipagsagupa sa mga napatay na kidnapper sa San Pablo.

Sa pagbisita kahapon ni PNP chief Director ­General Ronald dela Rosa sa mga sugatang pulis, sinabi nitong bibigyan niya ng meritorious promotion ang buong team na tumugis sa mga kriminal.

Aniya, kabilang sa mga ito ang mga nasu­gatang pulis na sina PO1 Jeffrey Orlanes, PO1 Junjun Villaflor at PO1 January Mendoza. Dahil aniya sa meritorious promotion ay tataas ang kanilang ranggo at suweldo.

Samantala, bilang pagkilala sa pagbubuwis ng buhay ay isang posthumous award naman ang ipagkakaloob kay PO1 Sarah Jane Andal.

Paliwanag ni Dela Rosa, “big fish” ang napatay ng mga pulis.

Aniya, malaking ­grupo ito at malawak ang ­operasyon dahil “easy money” ang pakay nila sa mga high-value ­target kagaya na lamang ng kanilang biktima na si Arguelles.