Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pulis, utol tiklo sa kidnap-slay ng Indian

0 191

Pinosasan ang isang aktibong pulis matapos niyang patayin ang kinidnap na Indian national, gayundin ang isang barangay kagawad na sumita sa kanya, Biyernes ng umaga sa Oas, Albay.

Kinilala ang suspek na si Police Corporal Bryan Aguilar, nakatalaga sa Polangui Municipal Police Station, at residente ng Barangay Gabon ng nabanggit na bayan.

Kasabwat din ng suspek na pulis ang kanyang half-brother na nakilalang si Raymond Isaac Salanga, 23, katuwang sa pagdukot sa Indian national, at residente ng Barangay Mendez, Polangui, Albay.

Samantala, tinukoy ang mga biktima na pinatay ng pulis na sina Barangay Maporong, Oas Kagawad Marlon Encabo Rebusquillo, 43, at ang kidnap victim na si Parmindes Singh, Indian national at residente ng Barangay Gabon, Polangui.

Sa ulat na ipinadala ni Police Major Ma. Luisa Calubaquib, dakong alas-11:00 ng umaga nang rumesponde si Rebusquillo sa Purok 5, Barangay Maporong dahil sa nahulog na kulay puting kotse na Wigo sa gilid ng palayan.

SM food to go Banner Ad

Subalit habang pinaparada ni Rebusquillo ang kanyang motorsiklo sa gilid ng kalsada ay agad siyang malapitang binaril ni Aguilar at pagkatapos ay sinunod na binaril si Singh na nasa loob ng kotse na nahulog sa gilid ng palayan.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo ng kagawad, subalit makalipas ang ilang minuto ay muli siyang bumalik sa lugar ng pinangyarihan at doon na siya nakilala ng ilang residente na nakasaksi sa pamamaril dahilan ng pagkakadakip niya matapos ang isinagawang follow-up operation ng pulisya.

Samantala, nahuli rin si Salanga sa bahay niya sa Polangui, Albay.

Lumalabas sa imbestigasyon na alas-nuwebe ng umaga kahapon nang dukutin ng magkapatid si Singh sa bahay nito sa Barangay Gabon at lulan ng Wigo ng pulis ay dinala ang biktima sa bayan ng Oas subalit nabalahaw ang sasakyan at nahulog sa gilid ng palayan dahilan ng pagkakadiskaril ng plano at pagkakapatay ng pulis kina Rebusquillo at Singh.

Sinampahan ng kasong double murder si P/Cpl. Aguilar, gayundin ang kanyang kasabwat na utol. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.