Abante Tonite Interactive

Pulong deputy speaker ni Alan

432

Ipinahayag kahapon ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na nag-usap na sila ni Davao City Rep. Paolo ‘Pulong’ Duterte at nagkasundo na magtulungan sa pagbubukas ng 18th Congress.

Kasabay nito, inihayag ni Cayetano ang kanyang pasasalamat matapos na pumayag umano si Duterte na maging Deputy Speaker for Poli­tical Affairs.

“Thank you very much Cong. Paolo ‘Pulong’ Duterte for our talk on what the country needs and how we can put together a very responsive Congress. Thank you also for accepting the challenge for being the next Deputy Speaker for Political Affairs,” pahayag ni Cayetano sa kanyang Facebook account kung saan nag-post din ito ng larawan nila ni Duterte habang nagkakamayan.

Sabi ni Cayetano, magkakatulungan sila ni Duterte para sa ikabubuti ng Pilipinas at sa pagpapatupad ng agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nauna rito ay inilutang ni Duterte na posibleng maglunsad ng ‘kudeta’ ang mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na ayaw sa term sharing sa House Speakership nina Ca­yetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

May ulat pa na magkakaroon ng hiwalay na pagpupulong sina Cayetano at
Duterte bago ang pagbubukas ng 18th Congress sa Lunes, Hulyo 22.

Ayon kay Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor isang breakfast meeting ang gagawin ni Duterte para sa ilang kongresista isang oras bago ang eleksyon para sa House Speaker.

Si Cayetano naman ay magkakaroon din ng hiwalay na breakfast meeting sa mga bagong miyembro ng House majority. (JC Cahinhinan)