Abante Tonite Interactive

Pumalag sa holdap, pinatay

By
262

Patay ang isang tindero ng isda matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang lalaking nangholdap sa kanya nang tangkain nitong manlaban sa Lungsod ng Malabon kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat nina PO3 Julius Mabasa at PO2 Richard Andrew Calaycay, ng Malabon City Police ganap umanong ala-1:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Paradise Village, Barangay Tonsuya.

Naglalakad patungong Navotas Fish Port upang umangkat ng isda ang biktimang si Gerardo Yamogan, 54, ng Block 13, Lot 11, Phase 2 ng nasabing lugar nang harangin siya ng hindi pa nakikilalang mga suspek na armado ng .45 caliber na baril at magdeklara ng holdap.

Kahit may baril ay nagtangka pa ring lumaban ng biktima dahilan upang paputukan siya ng mga ito sa dibdib at iba pang bahagi ng katawan.

Kasabay noo’y agad tinangay ang bitbit na bag ng biktima na naglalaman ng di pa batid na halaga ng perang ipang-aangkat sana ng isda saka nagsitakas.

Mabilis namang nasaklolohan ng ilang residente ang biktima at isinugod sa Ospital ng Malabon na inilipat din sa Tondo Medical Center kung saan doon na binawian ng buhay.