Abante Tonite Interactive

PUMAREN VS. PUMAREN

121

Mga laro ngayon (Smart-Araneta Coliseum)
2:00 p.m. – FEU vs. UP
4:00 p.m. – UE vs. Adamson

Muling magtatapat ang koponan ng mag-kuyang Derrick at Franz Pumaren para mag-unahan sa pagtindig ngayong araw sa Season LXXIX UAAP men’s basketball sa Smart-Areneta Coliseum.

Parehong galing sa pagkakadapa ang UE Red Warriors ni coach Derrick at Adamson Falcons ng kanyang nakababatang kapatid na si Franz.

Luhod ang Red Warriors sa unang anim na laro sa first round pero nakahabol ng isa bago ang second – biniktima ang Falcons 64-57.

Walang ibang iniisip si coach Franz kundi makabawi sa kanyang manong Derrick sa main game mamaya.

Nasa No. 4 ang Adamson (4-5), lubog sa No. 8 ang UE (2-7).

Natuldukan ang two-game winning streak ng Red Warriors sa huling laro nang yumuko sa Ateneo Blue Eagles noong Miyerkules kaya sumisikip na ang tsansa nila sa Final Four.

Para makahirit ng playoff sa semifinals, kailangan ipanalo ng UE ang limang natitirang laro pero depende pa rin sa karta ng ibang teams.

“It’s out of our hands. We hope for the best,” saad ng nakatatandang Pumaren.
Sa first game, patitigasin ng defending champion FEU ang kapit sa No. 2 laban sa UP.