Abante Tonite Interactive

Pumirma sa ‘deed of assignment’

By
436

Dear Atty. Claire,

Good day po. Isa po akong OFW na bumili ng lupa pero ‘tax declaration’ pa lang po ‘yun at sa kapatid ko po muna ipinangalan dahil po ang sabi ng taga-BIR sa Batangas City na kapag tumagal ang proseso ng papel ay malaki ang babayaran kaya nagdesisyon ang kapatid ko na sa kanya muna ipangalan kahit na ang gusto ko ay ipadala sa ibang bansa ang papel. ‘Yun na lang po ang ginawa para makatipid. Gusto ko po sana pag-uwi ko ilipat na sa pangalan ko at papatituluhan ko na. Puwede po ba ‘yun? At saan po ako magsisi­mula ng pagpa-process ng papel? Ano-ano po ang mga kailangan dokumento?

Salamat po,

Jamie, Batangas City

***

Dear Ms. Jamie,

Mas mapapamahal ka pa sa ginawa ng iyong kapatid na ipa­ngalan sa kanya ang ari-arian dahil bago iyan mailipat sa panga­lan mo ay gagawa na naman kayo ng panibagong ‘deed of assignment’ para kung saan magbabayad ka ulit ng capital gains tax sa BIR at lahat ng mga tax sa concerned agencies.

Pangalawa, kapag nagkataon na hindi na pumayag ang kapatid mo na ilipat sa iyo ang rehistro nito ay mala­king problema ito. Sana ay may mga ebidensiya na magpapatunay na sa iyo talaga ang ari-arian at pinangalan lamang sa kanya ito upang mapabilis ang proseso.

Ang unang-una mong gagawin ay kailangang pumira sa isang deed of assignment ang kapatid pabor sa iyo at saka ipanotaryo ninyo.

Kailangang kumuha ng Tax Clearance sa Assessor’s Office na may sakop sa ari-arian. Kapag naayos na iyan ay kakailanganin nang magbayad ng karampatang buwis sa BIR at sa concerned agencies patungkol sa paglilipat ng ari-arian. 

 
Kapag nailipat na iyan sa pangalan mo ay saka mo na ayusin ang pagpapatitulo ng lupa para magkaroon na ng record sa Register of Deeds at gagawin ninyo ito sa pamamagitan nang pagsampa ng petition sa korte.

Kapag may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o 922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.