Abante Tonite Interactive

Pumunta sa bangko at makipag-usap

487

Dear Attorney,

Nagka-hemorrhagic stroke po ako last Nov. 2015 at dahil dito ‘yung obligation ko na nagagawa ko naman noon ay hindi na muna sa ngayon. Like ‘yung sa credit card ko, naubos ‘yung credit limit sa kakakuha ng bank mismo. And now nasa collections na and dinala na sa law firm.

Wala na rin ako trabaho dahil half ng body ko uncontrollable pa.

Wala naman akong ba­lak takasan, babayaran ko po siya ‘pag may trabaho na ulit ako na kumikita kahit pano hindi ‘yung sa pension ko lang dahil pambili ko lang ng gamot ito.

Dapat ba akong matakot sa mga taong nasa collections o sa law firm? Ano pong gagawin ko?

Regards,
Jodie

Jodie,

Wala kang dapat na katakutan na tao. Ang dapat katakutan ay ang mga maling nagagawa ng tao dahil may kaakibat na parusa ito. Sa iyong sitwasyon ay nakagamit ka ng credit card at hindi mo ito nababayaran ayon sa inyong napagkasunduan. Ang hindi pagbabayad sa credit card ay maaaring lumabas na pagtalimod at pagtakbo sa obligasyon at ito ay may kaukulang parusa ayon sa Access Devices Regulation Act of 1998.

Ang maaari mong gawin ay pumunta ka sa bangko at maki­pag-usap upang maparating mo ang balak na pagbabayad sa oras na kakayanin mo na. Ito ang magpapakita na hindi mo kailanman binalak na takbuhan ang iyong obligasyon sa credit card. Kung hindi mo talaga kakayanin na makapagbayad dahil sa iyong kalagayan ay maaari kang magsampa ng isang petition upang madeklara kang isang insolvent/bankrupt sa ilalim ng Financial Rehabilitation and Insolvency Act or FRIA.

Kapag napatunayan na ikaw ay walang kakaya­han, ayu­sin ang sche­dule kung paano at kailan ka magbabayad. Ayusin ang iyong sitwasyon upang hindi ka mahirapan na tuparin ang obligasyon mo sa pagbabayad ng hindi ka na tatakutin pa ng isang collection agent o ng isang pagsampa ng kasong kriminal.

Kung may katanu­ngan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o 922-0245 o mag- e-mail sa attorneyclaire@gmail.com.