Abante Tonite Interactive

Pumunta sa DSWD para lumabas ang katotohanan

270

Dear Atty. Claire,

Sana po ay matulu­ngan ninyo ako, Ako po si Jethro, ako po ay may kaibigang babae na si Luz at siya ay 16 years old lang.

Nagkayayaan kaming mag-joyride, kasama ang kaibigan naming si Titay.

Nang mga bandang ala-6:00 nang gabi ay tumawag ang ina ni Luzvie kay Titay, at sinabing umuwi na sila, at nanakot ang ina niya na kakalbuhin daw niya uli si Luz at bubugbugin si Titay pag-uwi nila.

Sa takot ni Luz, nagdesisyon siyang huwag muna umuwi dahil baka anong mangyari sa kanya. Si Titay naman ay nauna nang umuwi, samantalang ako, dala ng pagmamalasakit ko, sinamahan ko si Luzvie. Doon kami natulog sa bahay ng Tito ko, at ng sumunod na araw, umuwi na rin kami.

Galit na galit ang ina ni Luz, na kakasuhan daw ako ng Rape at Kidnapping dahil hindi kami umuwi pero wala namang nangyari sa amin, at nagmalasakit lamang ako dahil kaibigan ko siya at ayaw ko naman iwanan basta-basta.

Makalipas ang dalawang araw, wala naman silang isinampang reklamo laban sa akin ngunit pinalayas nila si Luz, at sinabi nila na kailangan daw ay ibahay ko na siya dahil itinakbo ko raw siya.

Sa awa namin kay Luz dahil sa nangyari, kinupkop siya ng magulang ko at kinupkop sa bahay. Ang problema ay hindi rin naman kami ganon kayaman, at nahihirapan na ang mga magulang ko dahil nadagdagan ang pasanin sa bahay.

Hindi namin alam ang gagawin dahil sinasabi ng pamilya niya na kakasuhan kami at magrereklamo sa DSWD kung papaalisin namin si Luz. Meron na rin kaming pinapirmahan kay Luz na patunay na kusa siyang sumama sa akin upang mag-joyride nang araw na iyon.

Ano po ba ang puwede naming gawin sa kasong ito attorney? Sana po ay matulungan ninyo po kami.

Jethro

Mr. Jethro,

Nakausap mo na ba nang personal ang magulang ni Luz o tanging siya lamang ang nagsasabi sa iyo ng diumano’y sinasabi ng kanyang mga magulang? Siguraduhin na hindi gawa-gawa lamang ni Luz ang pananakot.

Mas makakabuti na kayo ng pamilya ninyo ang unang pumunta sa social worker office diyan sa iyong lungsod o munisipyo upang idulog ang problema. Sa harapan ng isang social worker mula sa DSWD ay ipa-record mo ang tunay na naganap tungkol sa joyride at wala kang anumang ginawa kay Luz dahil magkaibigan lamang kayo. Dapat na maitala rin sa kanilang record na kinupkop ninyo lamang si Luz dahil sa pinalayas siya ng kanyang ina — at wala kayong anumang relasyon. Iharap si Luz sa nasabing social worker upang lumabas ang katotohanan. Dahil kapag ito ay nai-record sa kanilang opisina ay mapapatunayan na wala kang kasalanang ginawa kay Luz taliwas sa ibini­bintang ng mga magulang niya.

Hilingin na rin sa social worker na tulungan kayong ibalik si Luz sa kanyang mga magulang at upang mapagpaliwa­nagan ang mga ito tungkol sa tunay na pangyayari.

Matapos na dumulog sa social worker ay maaari rin kayong pumunta sa inyong barangay upang ipagbigay-alam ang nangyayari upang maproteksyunan ka kung sakaling dumating ang panahon na mag-eeskandalo ang magulang ni Luz kahit na ikaw ay tunay na walang kasalanan. Ipakita ang pinirmahan ni Luz tungkol sa inyong joyride at ipatala rin sa logbook ng barangay ang pag-amin ni Luz tungkol sa inyong relasyon bilang magkaibigan at walang namamagitan sa inyo.

Lahat ng dokumento na ito ay makakatulong sa inyong pamilya upang mapalabas ang katotohanan.