Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pumutok na ugat

0 73

Ang ating bansa ay punong puno ng kalsada, lalong lalo na sa mga syudad. Patag ang mga ito, mapasemento o aspalto. Mula sa malaking kalye o national highway, nagsasanga sa mga medium roads, hanggang sa maliliit na parang mga eskinita na lang.

Napakalawak ng naaabot at nararating ang mga ito kaya nakakabyahe tayo papunta at pabalik sa ating mga destinasyon. Dito maihahalintulad ang napakalawak na sakop ng ating circulatory system. Ang mga ugat na nanggagaling sa ating puso at dumadaloy sa buong katawan upang maihatid ang mga napakaimportanteng mga bagay tulad ng oxygen, mga nutrients at mga mineral. Parang kalye na nagmumula sa malaking highway, ang ating circulation ay nagmumula sa napakalaking ugat, ang aorta. Ang dugo galing dito ay mapupunta sa medium arteries hanggang sa maliliit na capillaries na nasa dulo na ng mga daliri natin. Galing dito pabalik sa medium veins hanggang umabot sa napakalawak na vena cava. Ang pinagkaiba nga lang nito sa ating mga kalye, ang blood flow ay one way lamang.

Ngunit katulad ng ating mga kalye, ang ating mga ugat ay maaaring may mga problema o anomalya din. Ang mga ito ay ang arterio-venous malformation. Isa na dito ay ang aneurysm. Hindi natin basta basta malalaman kung tayo ay mayroon nito. Ang aneurysm ay isang manipis na parte na parang lamat sa ating ugat.

Kung tama ang daloy ng dugo ay hindi basta basta mapapansin. Kapag tumaas ang pressure nito, maaaring lumobo ang nasasabing maninipis na parte, at kung sumobra pa ang taas ng presyon, ay pwedeng magkaroon ng leak o di kaya pumutok at mag rupture. Aagos ang dugo sa paligid nito at hindi na makakadaloy ng mabuti.

Ang tanong ay nasaan ang ugat na ito. Madalas na nangyayari ito sa malalaking ugat gaya ng aorta, popliteal vessels sa likod ng tuhod, o di kaya sa utak at magiging Cerebro-vascular accident (CVA) o stroke.

Ang mga sintomas ay maaaring magumpisa sa makakapa na parang bukol sa tiyan, o likod ng tuhod, maaaring mahirapan sa paghinga o pananakit ng ulo na magkakaroon na kaakibat na panghihina ng ibang parte ng katawan, pangingiwi ng mukha, at hirap ng pananalita.

Ang isang eksaminasyon na kinakailangan ay ang magnetic resonance imaging (MRI). Dito makikita ang paglobo ng mga ugat na naaapektuhan. Kung ito ay makita agad, mainam na maoperahan para hindi na ito pumutok.

Maaaring maglagay ng clip sa magkabilang dulo ang seruhano o di kaya kung may lamat na, i-repair ang ugat. Ngunit kung pumutok na ay emergency ito dahil maaaring maging sanhi ng pagkamatay ito.

Mapa Covid man o hindi, kung may kakaibang pakiramdam, huwag nang mag-atubili at kumunsulta agad.

Hanggang sa susunod! Keep healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.