Abante Tonite Interactive

PUP puwedeng ipasara — Digong

0 497

Hindi mangingimi si Pangulong Rodrigo Duterte na ipasara ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) dahil sa malawakang recruitment ng kilusang komunista sa kabataang estudyante.

Sinabi ito ng Pangulo sa kanyang press conference matapos ang talumpati sa panunumpa ng mga opis­yal ng Malacañang Press Corps, Malacañang Cameramen Association, at Presidential Photojournalists Association Martes nang gabi.

Sinabi ng Pangulo na wala siyang pakialam kung magsara man ang PUP at hindi magpaawat ang mga estudyante sa pagsali sa mga komunista.

“Kayo diyan ‘yang puwede nating sarahan ‘yang PUP. Wala akong pakialam sa kanila. Go ahead,” anang Pangulo.

Kung naghahanap aniya ang mga estudyante ng karahasan at mas piliing iwanan ang kanilang pamil­ya ay hindi pipigilan ang mga ito.

Pero mag-ingat ang mga nare-recruit na kabataan dahil kapag natiyempuhan sila ng mga pulis at sundalo ay dalawa lamang ang pagpipilian dahil sa kautusan nito na ‘dead or alive’.

“You want something of an adventure and be killed in the process, you want your young mind to be swayed to the world of violence, iwanan mo ang pamilya mo, go ahead. Go ahead. ‘Pag makita kayo ng sundalo o pulis, ang order ko nga dead or alive. Patayin mo,” dagdag pa ng Pangulo.

Ang PUP ay isa sa mga unibersidad sa Metro Manila na tinukoy na sentro diumano ng recruitment ng kabataan sa pamamagitan ng ilang makakaliwang grupo na nauugnay sa kilusang komunista. (Aileen Taliping)