Abante Tonite Interactive

Puregold ni Lucio pinakulong ang nagutom na empleyado

Puregold ni Lucio pinakulong ang nagutom na empleyado

By
6,828

Binitbit sa himpilan ng pulisya ang isang empleyado sa sangay ng Puregold sa Valenzuela City matapos na mahuli diumano ito sa akto habang kinakain nang walang bayad ang P80 na halaga ng cake at sandwich sa loob ng pinapasukang supermarket kahapon ng tanghali.

Kalaboso ang merchandiser na kinilalang si Joaquin Edilberto, 31-anyos, na residente ng Phase 6, Camarin, Caloocan City.

Sabi ni PO3 Laude Pillejera, kasong qualified theft ang isinampang asunto laban kay Edilberto.

Si Armando Burgos, supervisor ng Puregold, ang kakatawan sa nasabing establisimiyento sa mangyayaring pagdinig sa kaso ni Edilberto.

Ayon sa report, bandang alas-12:35 ng tanghali nangyari ang insidente habang abala sa pagdi-display ng mga produkto si Edilberto sa loob ng Puregold supermarket na matatagpuan sa Barangay Paso De Blas.

Dahil oras na ng pananghalian, nakaramdam umano ng gutom si Edilberto at kinain ang dalawang Japanese cupcake at dalawang pocket sandwich nang walang bayad.

Naaktuhan ito ng kanilang officer-in-charge na si Mariano De Los Santos kung kaya’t ipinatawag sa opisina si Edilberto saka dinala sa himpilan ng pulisya at sinampahan ng kaso.

Ang Puregold ay chain of supermarkets sa bansa na itinatag ng Chinese-Filipino businessman na si Lucio Co.