Abante Tonite Interactive

Purisima lusot sa perjury

304

Inabsuwelto ng second division ng Sandiganbayan ang walong kaso ng ‘perjury’ na isinampa laban sa dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Alan Purisima, makaraang mabigo ang prosekusyon na maghain ng mga sapat na ebidensiya laban dito nitong Biyernes.

Nag-ugat ang kaso ni Purisima nang mabigo umano itong ideklara ang kaniyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN) sa mga taong 2006 hanggang 2009 at 2011 hanggang 2014. Bukod dito siya ay may iba pang mga kaso ng katiwalian sa Sandiganbayan.

Magugunitang napa­balitang pagmamay-ari umano ni Purisima at mi­sis nito ang mga kuwinekuwestiyong ari-arian sa Nueva Ecija at Ilocos.

Noong taong 2016, ipi­naaresto si Purisima at 10 iba pa dahil sa umano’y maanomalyang courier deal, sa kontratang pinasukan ng PNP at Werfast Documentation Agency Inc. (Werfast) noong 2011.

Bukod dito, inireklamo rin ang dating PNP chief ng ‘graft and usurpation’ case sa kontrobersyal na Mamasapano massacre sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2015 subalit ibinasura ng Sandiganbayan noong Ene­ro 2020.

Pero sinabi ng korte, ang pagbasura sa nasabing kaso ay hindi na­ngangahulugang walang pananagutan si Purisima sa pagkamatay ng 44 police commando sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 2015.

Iginiit ng korte na kanila lamang dinesisyunan ang akusasyong pag­labag nito sa Section 3(a) of Republic Act 3019, at pag-agaw umano sa ‘official functions’ pagda­ting sa pagpapatupad ng ‘Oplan Exodus’.

Samantala, iniutos na rin ng mga mahistrado ang pagtanggal ng ‘hold departure order’ (HDO) laban sa dating hepe ng PNP. (Dolly Cabreza)

Tonite – Wendys Inhouse Ad