Abante Tonite Interactive

Pusher patay sa pulis sa Daet

145

Patay ang isang tulak ng iligal na droga matapos makipagbarilan umano ito sa mga pulis na magsisilbi ng warrant of arrest kamakalawa ng gabi sa bayan ng Daet, Camarines Norte.

Kinilala ang suspek na si George Jackson, alyas ‘Junior Tagalog’, kilalang tulak ng droga sa naturang bayan. Ito ay agarang namatay matapos na makipagbarilan umano sa mga pulis na aaresto sana sa kanya.

Sa ulat ng Camarines Norte Police Provincial Office (PPO) na isinumite sa Police Regional Office (PRO) 5, naganap ang insidente dakong alas-8:45 ng gabi sa Barangay Alawihaw kung saan isisilbi sana ng mga tauhan ng Daet Police at Special Operation Team ng Camarines Norte PPO ang warrant of arrest laban sa suspek dahil sa kasong pagtutulak ng iligal na droga.

Subalit hindi pa umano nakakalapit masyado sa bahay ng suspek ang mga pulis ay nagsimula nang magpaputok ng baril ang suspek dahilan upang gumanti ng putok ang mga pulis at mapatay ang suspek.

Nakuha rito ang kalibre .38 na baril na ginamit sa pakikipagbarilan sa mga otoridad.

Si Jackson ang ika-33 drug personality na nasawi sa engkwentro laban sa pulisya sa Bicol Region at ika-8 sa lalawigan ng Camarines Norte.

Tonite – Wendys Inhouse Ad