Abante Tonite Interactive

Puso’t yabang ng Hotshots si Lee

By
955

Puso at pride – dala­wang bagay na pag­huhugutan ni Paul Lee at ng Magnolia para tapatan ang San Miguel Beer sa best-of-seven PBA Philippine Cup Finals.

Basagan ang sister teams mamayang alas-7:00 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum, unahan sa pandagdag- kumpiyansang unang panalo.

Dehado ang Hotshots kung susuriin, dahil wala ang master defender nilang si Marc Pingris na inabot ng injury sa semifinals series kontra NLEX. Day-to-day din si Justin Melton.

Wala silang pantapat sa higante ng Beermen na si June Mar Fajardo maliban kay Ian Sa­ngalang.

“Puso na pinapairal dito, yung pride,” diin ng combo guard na si Lee, makikipagsabwatan kina Mark Barroca at Jio Jalalon para sabayan sina Alex Cabag­not, Chris Ross at Marcio Lassiter sa kabila.

“Nawala si Kuya Ping (Pingris) sa team, ‘yun ‘yung ginamit namin sa NLEX. ‘Yun din gagamitin namin sa San Miguel,” hirit ng Angas ng Tundo.

Gagamiting motibasyon ng Hotshots ang pagkaliyamado ng Beer.

“Masarap kalaban ang champion, mas lalo ngayon three-time champion kalaban namin,” salo ni Barroca.
Hindi rin basta-basta susuko si Sangalang.

“Kuha nila ‘yung huling tatlong (Phili­ppine Cup) championships, mabigat silang kalaban,” aniya. “Titignan namin kung ano magagawa namin.” (Vladi Eduarte)