Abante Tonite Interactive

Puwedeng magpasuso kahit walang anak

327

Isa sa malaking problema ngayon sa evacuation centers ang pagpapasuso sa mga sanggol. May mga inang dahil sa stress at kakulangan ng nutrisyon, wala nang lumalabas na gatas sa kanila. Ang iba naman ay kailangang huma­nap ng malilikasan o mapagkukunan ng makakain kaya’t naiiwan ang kanilang mga sanggol na walang nagpapasuso.

Pero alam n’yo bang kahit hindi pa nagkakaanak o matanda nang babae ay maaari pa ring makagawa ng gatas sa kanyang dibdib? Kapag nai-stimulate kasi ang mammary glands, maaari itong makapaglabas ng gatas.

Sinabi ni Dr. Amado Parawan ng Save the Children Philippines na nasak­sihan niya ito sa evacuation center sa Tacloban, Leyte noong tinamaan ng bagyong ‘Yolanda’, kung saan isang lola ang nagpasuso ng kanyang apo. Namatay kasi ang na­nay ng bata at wala silang makunan ng breast milk, kaya’t sinubukan ng lola na ibigay ang kanyang dibdib para lamang matahimik sana ang sanggol. Nagulat sila nang makalipas ang ilang pauli-ulit na pagsuso ng bata ay naglabas ng gatas ang lola.

Ang relactation at induced lactation ay posible kung susundin ang mga hakbang na ito. Masahehin ang dibdib patungo sa areo­la upang ma-develop ang mammary glands. Gawin ito ng 8 hanggang 14 na beses isang araw, kung saan ang isang sti­mulation session ay gagawin sa gabi.

Maaari ring gawin ang stimulation sa pamamagitan ng breast pump. Ma­ging pasensyosa lamang dahil minsan, inaabot ng ilang araw bago lalabas ang gatas.

Mayroon ding herbal supplements na makaka­tulong sa produksyon ng gatas tulad ng fenugreek at blessed thistle. Pero ang pinakamadali ay ang pagkain ng malunggay at pag-inom ng maraming tubig.

Kung talagang hindi maka-produce agad ng gatas para sa mga sanggol sa evacuation centers, mayroong Human Milk Bank ang Batangas Medical Center kung saan maaa­ring makakuha rito ang mga evacuee na may sanggol. May donasyon din na manggagaling sa Human Milk Bank ng Quezon City General Hospital.

Importanteng breast milk ang ibibigay sa mga sanggol na biktima ng pagsabog ng Taal Volcano at hindi milk formula o subs­titute upang masi­guro ang sapat na nutrisyon at maiwasang magkasakit ng pagtatae ang mga bata.