Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Puwera politiko sa community pantry

0 258

Parang virus nga na kumakalat ngayon ang kagandahang loob ng ating mga kababayan sa pamamagitan ng paglulunsad ng community pantry sa kani-kanilang komunidad.

Nagsimula ito sa Maginhawa sa Quezon City at kumalat na hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Nakakatuwa ang naisip na ito ng ating mga kababayan kaya sana ay maging maayos ang takbo upang sa gayon ay magpatuloy at mas maraming nangangailangan ang matulungan.

Bukod sa mas maraming matulungan ay mapanatili

rin dapat ang kaligtasan ng lahat ng dumadayo sa mga community pantry upang sa gayon ay hindi na kumalat pa ang COVID-19.

Alam nating hindi magtatagal ang mga community pantry na ito kung walang magbibigay ng donasyon sa mga tagapangasiwa kaya hangad natin na mas marami pang nakaangat nating mga kababayan sa buhay ang magbahagi.

Alam natin marami namang may puso ang gustong mag-share ng sobra nilang mga pagkain at iba pang gamit sa bahay ang kadalasang problema lang ay wala silang mapagdalhang mapagkakatiwalaan.

Kaya sa pagsulpot ng mga community pantry, naniniwala akong malinis ang intensyon ng mga nagpasimuno ng pagkakawanggawang ito kaya maari natin silang gamiting instrumento para makatulong tayo sa ating mga kapus palad na kababayan.

Huwag lang sanang umepal sa proyektong ito ang mga politiko dahil tiyak na masisira ang malinis na intensyon ng mga nagpasimula ng community pantry.

Malapit na ang eleksyon kaya tiyak akong may didiskarteng mga politiko para mapansin o sumakay sa pinagkakaguluhang proyektong ito pero huwag natin silang bigyan ng pagkakataong makaepal.

Ipinakita ng community pantry na buhay na buhay ang bayanihan sa ating mga Pinoy lalo na sa ganitong panahon ng krisis.

Nawa’y manganak pa ang magandang adhikaing ito para mas marami pang kababayan nating problemado sa pang-araw-araw na pagkain ang makaraos.

Leave A Reply

Your email address will not be published.