Abante Tonite Interactive

PWD inalipusta sa 7-Eleven

0 575

Ni Eileen Mencias
Ininsulto ng staff ng 7-Eleven sa Madrigal Building sa Makati ang isang bingi na bumibili ng prepaid card.

Sa Facebook post ni Jhana Evangelista nu’ng September 5, P50 lang ang gustong bilhin ng kanyang kapatid na pinaalam naman nito sa kahera ng 7-Eleven sa pamamagitan ng pag-type sa dala niyang cellphone.

“Globe card – 50 load” ang nakalagay sa screen ng kapatid ni Evangelista pero pinilit ng staff na P500 ang prepaid card na ibigay hanggang sa nag-umpisa na itong humagikgik at tila pinagtitripan ang bingi. Sinubukang sumenyas ng kanyang kapatid gamit ang kamay pero humahagalpak na sa tawa ang kahera na sinabayan pa rin ng isa pang staff na ikinagalit na ng kapatid ni Evangelista.

Kahit hirap magsalita, sinabi ng PWD na “bakit tawa tawa kayo?”
Sa halip na makinig, hindi pa rin tumigil ang staff ng 7-Eleven sa pang-aalipusta kaya hinampas na lang nito ang bayad na P50 sa counter at tinapon na ang resibo sa basura at lumabas na umiiyak.

“If you ask me, this is not just poor customer service, this is discrimination and plain cruelty,” saad ni Evangelista.

Sinubukang lokohin ng kahera ang kapatid niya para bumili ng P500 at pinagtawanan pa, dagdag niya.

“This is probably not the first time that she was discriminated for being deaf but this incident absolutely made her defeated and helpless,” sabi niya.

Sa panig ng 7-Eleven, nakipag-ugnayan na sila sa pamilya ni Evangelista at humingi na rin sila ng dispensa.

“We do not tolerate this kind of behavior in our company and we will be imposing necessary disciplinary actions on the clerk,” sabi ng 7-Eleven.