Abante Tonite Interactive

QC gov’t pinagbabayad sa Payatas tragedy

181

Pinagbabayad ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ang Quezon City government ng aabot sa kabuuang P6.49 milyon o P110,000 civil damages sa bawat pamilya ng mga biktimang nabaon nang buhay nang bumigay at natabunan ang mga tahanan ng gabundok na basura sa Payatas dumpsite noong taong 2000.

Base sa 133 pahinang desisyon na isinulat ni QC RTC Judge Marilou Runes-Tamang ng Branch 97, noon pang Oktubre 30, 2019 subalit kahapon (Enero 16) lamang inisyu, nakasaaad dito na “the mountain-like trash in itself is a testament of the city government’s gross negligence in the management and operation of the dumpsite.”

Sa desisyon, ang bayad-pinsala ay P50,000 para sa temperate damages, P50,000 sa moral damages at P10,000 sa exemplary damages na ipagkakaloob sa 56 na pamilya ng mga biktima na naghain ng kaso.

Inatasan din ng korte ang city go­vernment na bayaran ang pamilya ng mga biktima ng halagang P100,000 para sa attorney’s fees.

Ito ay makaraang mapatunayan ng hukuman na nagkaroon ng labis na kapabayaan ang panig ng lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon na siyang nangangasiwa noon ng Payatas dumpsite kaya gumuho sa kasagsagan ng malakas na pag-ulan ang malabundok na basura at natabunan ang mga tahanan na nasa tabi nito kung saan umabot sa 232 ang nabaon nang buhay.

“Had they exercised due care extended of them, they could not have allowed the garbage to rise to such unprecedented height as to resemble se­veral Meralco posts arranged on top of each other or several storeys high of a building,” base pa sa nakasaad na desisyon.

Sinisi rin ng mababang korte ang QC gov’t kung bakit pinapayagan ang iba’t ibang lugar sa Metro Manila na itapon o itambak ang mga basura nito sa Payatas landfill. (Dolly Cabreza)