Abante Tonite Interactive

QC pinatigil panghuhuli ng daga, pagpapakalat ng palaka

0 426

Pinatigil na ng Quezon City Veterinary Department ang panghuhuli ng mga daga at pagpapakalat ng mga palaka na isinasagawa sa ilang barangay sa kanilang lungsod nitong mga nakaraang araw.

Ayon kay City Veterinarian Dra. Ana Cabel, mas nakasasama ito sa kalusugan kaysa mapuksa ang leptospirosis at dengue, na sinabing dahilan ng mga barangay kayat inilunsad ang panghuhuli ng mga daga at pagpapakalat ng mga palaka.

Aniya, nakausap na niya ang mga opisyal sa mga barangay para ihinto na ang nasabing gawain at nangako namang ititigil na nila ito.

Nitong nakaraang buwan, inanunsyo ng Barangay Batasan Hills na magbibigay sila ng isang kilong bigas kapalit nang mahuhuli nilang mga daga upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit na leptospirosis.

Nagpakawala naman ng 1,000 palaka ang Barangay Matandang Balara na inaasahang kakain sa mga lamok na may dala ng dengue virus.

May mga lugar din na matubig ang nagpakawala ng isdang kumakain naman ng kiti-kiti ng lamok. (Dolly Cabreza)