Abante Tonite Interactive

QC umaamot ng gatas ng ina

175

By Dolly B. Cabreza

Hinikayat ng Quezon City Human Milk Bank (QCHMB) ang mga ina na bagong panganak na mag-donate ng kanilang gatas upang makatulong sa mga sanggol na nangangailangan nito.

Sinabi ni Dr. Shahani Duque, pinuno ng QCHMB, 550 ang bilang ng mga inang nagkaloob na sa kanila ng gatas mula Abril hanggang Hunyo.

Higit sa kalahati ng mga donasyong gatas ay kusang ibinigay ng 399 na ina sa mga health center sa buong lungsod, subalit 16 sa mga ito ay ‘infected’ kaya hindi napakinabangan.

Ayon pa sa QCHMB, 63,485 ml ng gatas ng ina ang kanilang nalikom subalit 49,680 ml o 80% lamang dito ang nakapasa sa pagsusuri at pasteurization.
Nangako ang QCHMB na pag-iibayuhin ang kamalayan ng mga donor na ina sa kalinisan at screening bago mag-donate.

Nabatid na sumasailalim muna sa screening ang mga nais mag-donate upang makasigurong wala silang HIV o Hepatitis B.

Ipinahayag naman ni Dr. Eduardo Aldana, hepe ng Novaliches District Hospital (NDH), nararapat na magsagawa ng imbestigasyon sa mga lugar na may 0% passing rate sa pasteurization gaya sa mga health centers ng Bagong Silangan, Kalayaan, Masambong at Project 4 upang malaman ang problema at masolusyunan ito agad.

Iminungkahi rin ni Dr. Duque na makatutulong ang pagbibigay ng freebies o pagkain sa mga ina na may sobrang gatas na magdo-donate.

Nagsagawa ng milk letting activity ang QCHMB noong July 15 bilang baha-gi ng layunin nitong higitan ang bilang ng milk donation at pasteurization rate.

Nanguna sa may pinakamaraming donors sa ikalawang quarter ng taon ang Sta. Lucia na may 33 donors para sa lying-in clinics at Gulod na may 42 para sa health centers.

Nakatakda namang m­agsagawa ang Novaliches District Hospital ng milk letting sa August 5 bilang bahagi ng pagdiriwang ng Breastfeeding Month.