Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Quarantine niluwagan pero COVID positive lobo

0 381

Marami ang masaya dahil unti-unti nang bumabalik ang mga negosyo at trabaho.

Kikita na nga naman ang karamihan sa mga manggagawa habang ang mga negosyante ay babawi kahit papaano sa malaking kitang nawala sa kanila sa panahon ng lockdown.

Kanya nga lamang kasabay ng unti-unti pagbuhay sa mga negosyo ay siya namang patuloy na pagtaas ng bilang ng COVID positive sa ating bansa.

Sa pinakahuling ulat nitong Lunes, Hunyo 22 ay pumalo na sa 30,682 ang nagpositibo habang nasa 1,177 ang nasawi. Ang magandang balita lang ay naitala sa 8,143 ang mga nakarekober.

Pero magbalik-tanaw tayo sa datos noong Marso 24 nang ideklara ang total lockdown sa Metro Manila kung saan ay nasa 552 ang kumpirmadong kaso ng COVID at mayroong 35 namatay, base sa record ng Department of Health (DOH) pero aligaga ang gobyerno na mag-lockdown at natakot din tayong lahat kaya’y nagkulong sa mga bahay.

Kaya hindi ko alam kung anong dahilan ng ilan sa atin at mismo ng gobyerno na magluwag, gayong padami na nang padami ang kontaminado ng virus.

Mabuti sana kung may matinong contract tracing na ginagawa ang pamahalaan sa pangunguna ng DOH pero wala tayong naririnig, bagkus ang madalas nating marinig sa interbyu ay nabigyan ng ng Personal Protective Equipment (PPE) ang mga front liner.

May ilan namang nagpapabida na iniuwi na ang mga stranded na mga OFWs at iba pang mga taga-probinsya sa kani-kanilang mga lugar.

Nawala nga ang mga stranded sa Metro Manila, ang problema naman ngayon ay nag-uwi ng virus ang ilan sa mga galing ibang bansa at NCR. Anong klaseng pagsugpo sa virus ang kanilang ginagawa?

Sana naman makita ito ng mga kinauukulan, alam kong kailangan nating mabuhay lahat kaya kailangang kumayod, pero huwag naman sa puntong ilalagay natin sa panganib ang buhay ng mas nakararami.

***

Sa kabilang dako,nakakatuwang makarinig ng mga kababayan nating naghahanap ng paraan para makaiwas sa COVID.

Katulad na lamang ng pauso ngayon diyan sa Cebu Provincial Capitol kung saan ay inobliga ang mga tauhan na mag-tuob o hot steam inhalation sa kanilang work station.

Ginawa nila itong bahagi ng kanilang wellness program at kung saan ay inoobliga ang mga empleyado ng kapitolyo na dalawang beses sa isang araw mag-tuob.

Dahil bahaging wellness program ay bibigyan sila ng Provincial Health Office ng mga tu-ob kit at mga instruction kung paano ang maayos na pagsasagawa nito.

Kanya nga lamang kailangan itong gawin nang hindi naaapektuhan ang operasyon ng capitol.

Hindi ba’t nakaka-inspire ang ganitong mga hakbangin ng pamahalaan.

Simpleng hakbang pero tiyak na malaking tulong ang maidudulot nito sa kanilang lalawigan, lalo na’t araw-araw ay maraming nakakasalamuhang tao ang mga empleyado ng gobyerno.

Leave A Reply

Your email address will not be published.