Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Quarantine o isolation

0 178

Tuloy tuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nagpositibo sa Covid 19. Dahil dito nananatili sa Alert Level 3 ang NCR at ibang mga probinsiya sa buong bansa. Limitado ang galaw ng mga tao at lalong hindi pinalalabas na ang mga bata at senior citizens. Kamakailan din ay nagbigay ng mga updates sa mga alituntunin ang Department of Health (DOH) sa mga nagpositibo at mga nagkaroon ng pagkakataong makasama ang mga nag positibo o close contact. Dito pinaigting ang Quarantine at Isolation. Ngunit bago natin tingnan ang bagong patakaran, alamin natin ang tunay na kahulugan ng mga salitang ito dahil madalas din napapagbaliktad ang dalawa.

Ang quarantine ay ihinihiwalay at nililimitahan ang kilos ng mga taong nakalantad o exposed sa isang may sakit na nakakahawa o contagious. Ito ay para malaman kung sila ba ay nahawa o hindi. Ang isolation naman ay ihinihiwalay ang isang may sakit na nakakahawa sa mga taong walang sakit. Kung kaya’t malinaw na ang nasa quarantine ay maaaring walang sakit at ang nasa isolation ay tunay na may sakit.

Kapag nakaquarantine ay hindi dapat lumalabas. Hindi dahilan na kesyo walang nararamdaman, ay ok naman. Kailangan makumpirma na wala nga itong sakit at hindi rin magiging carrier o sanhi ng pagkalat ng sakit. Lalo na kung nakaisolate na may sakit. Sa katunayan ay kung hindi kayang mahiwalay ng silid dahil sa liit ng lugar, mayroong isolation facilities na maaaring pagdalhan sa mga may sakit. Araw ang binibilang sa dalawang ito para makasiguro na hindi na sila makakahawa.

Karagdagan lamang, dahil malaking bagay kung nabakunahan na, ang isang tao ay itinuturing na fully vaccinated kung nakalipas na ang 2 linggo mula nang makuha ang pangalawang ineksyon (sa dalawang dose na bakuna tulad ng AstraZenica, Moderna, Pfizer, Sinovac, at Sputnik) o sa ineksyon ng isahang Janssen o Sputnik light. Kung kulang ang ineksyon o kulang pa sa dalawang linggo ang nakaraan, sila ay partially vaccinated pa din.

Ang mga bagong alituntunin na ipinalabas ng DOH noong 14 ng Enero 2022 ay ang mga sumusunod:

SM food to go Banner Ad

Sa mga walang nararamdaman o asymptomatic close contact, ang dating quarantine na 7 days para sa mga fully vaccinated, ay ibinaba na sa 5 days na lang. Ngunit ang pag obserba ng mga sintomas ay 14 days at panatiliin ang pagsuot ng mask at social distancing. Kaya ang quarantine para sa mga partially vaccinated (at lalo na sa hindi bakunado) ay 14 days. Sa mga healthcare workers naman, ang dating 0 days, naging % days na din.

Ang isolation naman sa mga positibo, ay pareho na ang publiko at mga healthcare workers. Kung mild ang sintomas, sa fully vaccinated ay 7 days mula sa unang lumabas ang mga sintomas. Sa partially vaccinated at hindi bakunado, 10 days naman kung walang nararamdaman o asymptomatic, sa fully vaccinated ay 7 days mula sa araw ng pagtest, at 10 days naman mula sa araw ng pagtest para sa partially vaccinated at hindi bakunado.

Ang mga ito ay itinalaga upang makasiguro na hindi magkalat ng sakit ang mga nagpositibo at makatulong sa pagbaba ng bilang ng mga positibo at may sakkit. Huwag na tayong pasaway.

Hanggang sa susunod na Martes! Keep healthy! Stay safe! Get Vaccinated and boostered!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.