Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Quarantine sa mga bakunado abroad niluwagan

0 56

Hindi na kailangang sumailalim sa quarantine pagpasok sa Pilipinas ang mga Pinoy at dayuhang kumpleto na ang bakuna kung galing sila sa mga bansa o teritoryo na low risk sa COVID-19, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque kahapon.

Aniya, epektibo ito ngayong Huwebes, Oktubre 14, 2021 subalit kinakailangan magpakita ng negative RT-PCR test 72 oras bago dumating sa bansa ang isang biyaherong Pinoy o dayuhan.

Ayon kay Roque, napagkasunduan ito sa pulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases kaugnay sa usapin ng mga biyaherong dumarating mula sa mga bansang nasa `green lane’ o low risk sa COVID-19.

Sinabi ni Roque na hindi na kailangang mag-quarantine ang dayuhang biyahero subalit kailangang magmonitor ng mga sintomas ng COVID hanggang sa ika-14 na araw mula nang dumating sa bansa.

“For fully vaccinated foreign nationals, a negative RT-PCR test shall be required to be taken within 72 hours prior to the departure from the country of origin. Upon arrival, no facility-based quarantine will be required but the passenger is enjoined to self-monitor for any symptoms until the 14th day,” paliwanag ni Roque.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Para naman sa mga fully vaccinated na mga Pinoy, maaari silang mamili ng quarantine facility hanggang sa lumabas ang negatibong resulta ng kanilang RT-PCR test na kinuha pagdating sa bansa.

Subalit kung negatibo aniya ang RT-PCR test ng Pinoy sa loob ng 72 oras bago umalis sa bansang pinanggalingan, hindi na ito kailangang sumailalim pa sa quarantine at sa halip ay i-monitor na lamang ang sarili sa posibleng sintomas ng COVID sa loob ng 14 na araw.

Para naman sa mga hindi bakunadong indibiduwal o hindi pa nakakumpleto ng bakuna, o kaya ay nabigong makatugon sa requirements bago bumiyahe, obligadong sumailalim sa facility-based quarantine hanggang sa lumabas ang negative RT-PCR test result na gagawin sa ika-limang araw.

Aniya, ang mga dayuhang nasa kategoryang ito ay kinakailangan na mayroong hotel reservation ng hanggang anim na araw.

Sa mga bata na partially vaccinated subalit ang mga magulang o guardian ay kumpleto na sa bakuna, kinakailangang sumunod sa protocol na angkop sa kanilang vaccination status at dapat sasamahan sa quarantine facility hanggang sa matapos ito. (Aileen Taliping/Prince Golez)

Leave A Reply

Your email address will not be published.