Abante Tonite Interactive

Quiapo drug bust madugo, 4 tulak bulagta

By
776

Naging madugo ang buy-bust operation ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 4 sa Quiapo kahapon ng hapon matapos na manlaban umano ang apat na suspek sa pagtutulak ng droga dahilan para mapatay ang mga ito.

Isinugod pa sa Jose Reyes Memorial Medical Center pero hindi na rin umabot ng buhay ang mga suspek na kinilalang sina Ariel Buenaventura y Mercado, 45-anyos; Ryan Diwata y Cristal, 35; Arnold Concido y Maniquez, 34; at isang nakilala pa lamang sa alyas na `Dos’.

Nakatira sa Quiapo ang mga suspek.

Ayon kay Supt. Julius Ceasar Domingo, dakong alas-2:20 ng hapon nang ikasa ang buy-bust operation sa panulukan ng Carlos Palanca Sr. at Quezon Boulevard, malapit sa Quinta Market.

Nakahalata umano ang mga suspek na pulis ang kanilang kausap dahilan para paputukan ni Buenaventura.

Gumanti ng putok ang mga pulis at tinamaan ng mga bala ang apat na suspek.

Nakuha sa mga suspek ang apat na baril na .38 caliber revolver at ilang sachet ng hinihinalang shabu na nasa kustodiya na ngayon ng Scene of the Crime Office.