Abante Tonite Interactive

Quinto,Publico nag-ahon sa Wangs-Letran

By
1,239

Sinimulan ni Bong Quinto, tinapos ni Rey Publico ang pag-ahon ng Wangs-Letran Couriers sa 19-point hole para butatain ang Che’Lu Bar and Grill-San Sebastian 83-82 sa PBA D-League Aspirants Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig noong Lunes.

Nasa tamang puwesto sa tamang pagkakataon si Publico, dinamba ang bola bago ibinalik sa basket at kinumpleto ng Couriers ang come-from-behind win.

Sa katiting na 4.1 seconds na nalalabi sa orasan, hindi na nakadiskarte ang Baste.

Hindi kay Publico ang dinisenyong play, pero sa kanya napunta ang bola.

“Kay Jeo (Ambohot) ‘yung low pass pero maganda ‘yung defense nila,” lahad ni Wangs coach Jeff Napa. “Na-fumble tapos napunta kay Rey.”

Nabaon ng 73-54 ang Wangs, nagliyab si Quinto sa fourth quarter nang pangunahan ang 25-5 run para agawin ang panalo.

Tumapos si Quinto ng 21 points, 13 sa final stanza, at may 12 rebounds at four assists pa. Nagsumite ng double-double na 14 points, 14 rebounds si Ambohot, may 13 markers si JP Calvo at nagdagdag ng 12 si Publico.

Wala pang talo sa dalawang laro ang Wangs, laglag sa 1-1 ang Revellers.