Abante Tonite Interactive

RACING FEATURE: NPC benefit racing sa Metro Turf

By
13

Tuloy na ang ikaapat na edisyon ng National Press Club Cup na gaganapin ngayong Linggo sa MetroTurf sa Malvar, Batangas.

Ito ang ipinahayag ng bagong NPC president Paul Gutierrez, na siya ring project director ng nasabing pakarera noong nakaraang taon. “Wala na pong atrasan itong ating pakarera na tinagurian naming ‘National Press Club Benefit Racing’ ngayong Linggo kaya inaanyayahan namin kayong lahat na suportahan po ang one-day racing na ito.”

Idinagdag pa ni Gutierrez na malaking bagay ang maidudulot ng pakarerang ito sa iba’t ibang aktibidad ng NPC ngayong taong ito.

“Isang malaking proyekto na patutunguhan ng proceeds namin dito ay sa ating mga NPC Scholars. Noong nakaraang taon din kung saan ginanap ang 3rd NPC Cup sa MetroTurf, nakatulong ng malaki ang naging proceeds nun para sa kanila,” ang sabi pa ni Gutierrez.

Pinasalamatan ni Gutierrez ang primary sponsor ng 4th NPC Cup na Philippine Racing Commission para sa tulong nitong P180,000 gua­ranteed prize para sa mananalo sa highlight na pakarerang ito sa Linggo.

“Nagpapasalamat kami sa aming regular sponsor na Philracom, sa pamumuno ni Chairman Andrew Sanchez at kanyang mga commissioners, para sa ikaapat na edisyon nitong aming NPC Cup. Kasama na rin sa pinasasalamatan natin ay ang Metro Manila Turf Club, sa pamumuno ni Dr. Norberto Quisumbing Jr., na siyang maghohost muli sa ikalawang pagkakataon ng ating paka­rera sa MetroTurf,” dagdag pa ni Gutierrez.

Pinasalamatan din niya ang iba pang mga sponsors ng NPC na nagbigay ng suporta sa pakarerang ito.