Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Raket sa COVID test result

0 179

Mahigit isang linggo ng umiikot sa social media ang reklamo ng mga umuuwing Overseas Filipino Workers (OFWs) at mga Pinoy na ngayon pa lamang nakakauwi mula sa ibang bansa dahil sa tila mistulang pinagsasamantalahan sila pagdating sa airport ng mga gumagawa ng swab test.

Itinigil kasi ang Philippine National Red Cross( PRC) ang kanilang swab testing dahil sa isyu ng malaking pagkakautang ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) na halos umabot na sa isang bilyong piso.

Kaya ang gobyerno naman ay nagpapasok ng ibang mga pribadong diagnostic companies sa paliparan na siya ngayong gumagawa ng COVID test sa mga dumarating sa bansa.

Pero marami ang reklamo ng mga umuuwing Pinoy, mapa-OFW man yan o mga na-stranded sa ibang bansa dahil mahal ang singil kumpara sa rate ng PRC.

Kada singil umano P7,00O at kung gustong mapabilis ang resulta ay P10,000 pero kung gusto ng mabilis pa ay umaabot sa P20,000 pero hindi rin nasusunod ang sinasabing mabilis na resulta.

Hindi napigilan ng isang umuwing pasahero ang mag-ingay at magalit habang hinihintay ang resulta ng kanyang swab test sa airport dahil lampas na sa oras na ipinaghintay nito pero hindi pa rin nailabas ang resulta ng swab test.

Para naman sa hindi kayang magbayad ng mas mabilis na resulta, dinadala sila sa mga COVID Hotel at naghihintay ng siyam-siyam sa tagal ng resulta .

Mismong si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III ang nagkumpirmang mahigit apat na libong OFWs ang stranded sa mga hotel sa Metro Manila dahil sa matagal na paglabas ng kanilang swab test result.

Nawala nga ang “laglag bala” sa airport pero tila napalitan naman ito ng ibang raket ng mga timawang mga Pinoy at ginagamit pang dahilan ang COVID pandemic.

Mismong ang PRC ang nakaalam sa bagong raket sa swab test.

May mga nagga-guide umano sa mga dumarating na pasahero at itinuturo sa mga testing booth na kumakana ng mataas na singil. Hindj malayo aniya na may nangungumisyon sa swab testing at pinagsasamantalahan ang mga kapwa Pinoy na matinding naapektuhan ng pandemic.

Isa pang inirereklamo sa swab testing ay hindi umano ibinibigay ang 20% discount sa senior citizens kahit mayroong batas na nagtatakda ng diskuwento para sa goods and services ng mga ito.

Sige lang mga timawa, apurahin nyo dahil bukas, makalawa ay tiyak wawalisin kayo diyan kapag nalaman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ginagawa at pagsasamantala nyo sa mga kawawang mga kababayan natin.

Leave A Reply

Your email address will not be published.