Abante Tonite Interactive

Rally sa SONA sisiguruhing walang gulo

0 232

Pupulungin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Maj. General Guillermo Eleazar ang mga militanteng grupo na inaasahang magsasagawa ng kilos protesta sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 22.

Ayon kay Eleazar, parte ng preparasyon upang mapanatili ang kaayusan at katiwasayan sa SONA ang pagpupulong sa mga raliyista, maging ito ay anti o pro-Duterte upang malaman kung saang lugar ang dapat nilang okupahin.

“We wanted to hear what the two forces wanted for us at the NCRPO command staff to discuss how to secure them. We don’t want them to be in the same places as what they are preaching or shouting might ignite trouble,” pahayag ni Eleazar sa isang panayam.

Dagdag pa ng opisyal, layunin ng dayalogo na magkaroon ng koordinasyon, kooperasyon at unawaan ang mga pulis at raliyista, magkakaroon ng traffic re-routing sa mga apektadong lugar, habang mahigpit na paiirailin ang no permit, no rally policy.

Kasabay nito, tiniyak ni Eleazar na magpapatupad ng maximum tolerance ang mga pulis kung kaya’t umapela rin ito sa mga militanteng grupo na disiplanahin din ang kanilang hanay para maging maayos at mapayapa ang lahat sa araw ng SONA.

Dagdag pa ni Eleazar na wala ring batuta at panangga ang mga pulis bilang “act of goodwill” at hindi rin haharangan ng mga container van at barbed wire sa kahabaan ng Batasan Road at Commonwealth Avenue sa Quezon City. (Edwin Balasa)