Abante Tonite Interactive

Ramirez referee sa pasaway na mga NSA

By
60

Nakatakdang mamagitan at kausapin ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez ang ilang problemadong national sports association (NSA) para ihanap ng solusyon, kapayapaan at kooperasyon ang mga asosasyon pati na ibang stakeholders simula ngayon, Nobyembre 9, hanggang sa susunod na Huwebes, Nobyembre 15.

Unang inimbitahan ni Ramirez ang mga namumuno at stakeholders ng taekwondo at table tennis sa kanyang opisina ganap na alas-9:30 ng umaga hanggang alas-1:30 ng hapon ngayon upang pag-usapan ang ilang isyu at reklamo tungkol sa kanilang pagpapatakbo ng kani-kanilang mga larangan.

Hiniling ni Ramirez sa lahat na magsumite ng “written summary” sa mga lumitaw na isyu at reklamo kasama ang “factual support” na kailangang ipresenta sa isasagawang pag-uusap.

Dalawang kinatawan lang ang pinayagan ni Ramirez na makadalo sa mga magkakabilang panig o grupo para magpaliwanag sa isyu at reklamo.

Itinakda naman ang swimming at dragonboat bilang dalawang sport na isasailalim sa dialogue sa Nobyembre 15, alas-9:30 ng umaga hanggang alas-10:00 ng gabi.