Abante Tonite Interactive

Ramon Ang ipalilinis ang Tullahan River

279

Ibinuyag ni Department of Environment and Natural Resour­ces (DENR) Secretary Roy Cimatu na nagpahayag din ng interes ang mga business tycoon na sina Ramon Ang at Lucio Tan na makiisa sa layunin ng administrasyong Duterte na linisin at ibalik ang dating ganda ng mga pangunahing ilog sa Metro Manila.

Sa news forum sa Kapihan sa Manila Bay kahapon, sinabi ni Cimatu na mismong si Ang ang nag-alok sa kanila ng tulong para makiisa sa rehabilitasyon ng mga ilog, partikular na ang Tullahan River na isa ani­ya sa pinakamaruming ilog sa Metro Manila.

May 15 kilometro ang haba ng Tullahan River na nagsisimula sa La Mesa Reservoir sa Quezon City at lumalagos sa mga siyudad ng Malabon at Valenzuela palabas ng Manila Bay.

Dahil sa matinding polusyon, hindi ito kayang tirhan ng mga isda kaya idineklarang “biologically dead” ng DENR.

Sinabi ni Cimatu na nakatakdang lumagda sa isang kasunduan ang DENR at si Ang para sa paglilinis ng Tullahan River.

Dagdag ni Cimatu, natutuwa sila dahil sa pakikilahok ng pribadong sektor sa adhikain ng pamahalaan na masagip ang mga ilog at dagat tungo sa pagkasira sanhi ng polusyon.

Samantala, tutukuyin naman aniya nila sa susunod na mga araw kung anong ilog naman ang nais tulungan ni Tan para linisin.