Abante Tonite Interactive

Ramos tumulak na para sa misyon sa China

By
10

Umalis na kahapon patungong Hong Kong si dating Pangulong Fidel V. Ramos upang buha­yin ang ugnayan ng bansa­ sa Beijing na umasim dahil sa territorial dispute sa South China Sea.

Si Ramos, 88-anyos, ang hinirang ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang envoy para makipag-usap sa Beijing.

Binigyang-diin ni Ramos na hindi siya magsisilbing negosyador kundi hangad niyang mabuksan muli ang dayalogo sa pagitan ng China at Pilipinas.

“I am just the icebreaker, to rekindle, to warm up again our good, friendly relations with China,” pahayag ni Ramos na nagsilbing pa­ngulo mula 1992 hanggang 1998.

Lumamig ang ugna­yan­ sa pagitan ng Manila at Beijing matapos ilabas ng United Nations-backed tribunal ang desis­yon nito na pabor sa Pilipinas kaugnay ng inaangkin ng China na mga teritoryo sa South China Sea.

Ayaw kilalanin ng China ang naging desis­yon ng tribunal.

Sinabi ni Ramos na makikipagkita siya sa loob ng apat hanggang limang araw sa mga da­ting Chinese contacts na mga dating mga opisyal ng gobyerno nito na nagtatrabaho na ngayon sa pribadong sektor.