Abante Tonite Interactive

Rape-slay suspect buking sa suot na kuwintas sa FB

0 391

Iniharap kahapon sa media ni Quezon City Police District Director Police Brigadier General Joselito Esquivel Jr. ang suspek sa panggagahasa at pagpatay sa Grade 12 student na si Allison Dacillo, 18-anyos.

Ang suspek na umamin sa krimen matapos na ring mabisto ang suot nitong kuwintas ay si Elimond Domingo, kapitbahay lamang ng biktima sa La Trinidad St., Group ll, Brgy. Payatas B, Quezon City.

Ayon kay Esquivel, naaresto ang suspek sa follow-up operation ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU).

Sinabi ni Esquivel na una na nilang inimbitahan sa himpilan si Domingo.

Kaduda-duda umano ang kilos nito kaya lalong tinutukan bilang person of interest. Mas tumibay ang duda ng kapulisan nang makita sa social media account ang suot nitong kuwintas sa isang litrato. Ang nasabing kuwintas na putol na ay narekober naman sa crime scene.

Bukod dito ay may testigo umanong nagkumpirma na nakita nila ang suspek na lumabas ng bahay ng biktima noong Hunyo 7, araw na naganap ang krimen.

Si Dacillo ay natagpuang wala nang buhay ng testigong si Alonica Alba sa inuupahan nitong kuwarto. Nagtamo ito ng maraming tama ng saksak sa leeg, kaliwang tagiliran at braso.

Nang matagpuan ang bangkay nito ay wala nang damit pang-ibaba at lumitaw sa isinagawang medico legal examination na ginahasa ito bago pinatay.

Sa interogasyon ng pulisya ay idinetalye ng suspek ang nagawa niyang krimen. Kuwento nito, pagnanakaw lang ang kanyang pakay, hatinggabi umano nang pasukin niya ang kuwarto ng biktima sa pamamagitan ng pagwasak sa screen ng bintana gamit ang kutsilyo.

Nang makapasok sa loob ay nagi­sing ang biktima kaya tinakpan niya ang bibig nito at pinagsasaksak.

“Nanakawan ko lang po sana sya, nagising lang po kasi sya kaya nasaksak ko siya,” salaysay ng suspek.

Hindi naman makapaniwala ang ina ng biktima na si Eden sa sinapit ng anak. Aniya, pauwi na ang ama ni Allison na isang OFW sa Saudi. (Tina Mendoza)