Abante Tonite Interactive

Rape video ng bf, barkada sa 13-anyos kumalat

1,248

Napariwara sa kamay ng kanyang boyfriend ang isang 13-anyos na dalagita sa Iloilo matapos itong gahasain at halinhinan pang hinalay ng apat na barkada nito na pawang mga menor de edad din.

Ang masaklap pa, kinunan umano ng video ang gang rape sa biktima at kumalat ito sa social media.

Sadyang hindi na pinangalanan ang biktima at mga suspek para mapangalagaan ang pagkakaki­lanlan ng dalagita.

Sa ulat ng Barotac Nuevo Municipal Police Station, batay sa salaysay ng ama ng dalagita, nakatanggap ng mensahe ang biktima galing sa isa sa mga suspek at sinabihan ito na pinapapunta siya sa bahay ng kanyang boyfriend kung saan nangyari ang panggagahasa.

Sa salaysay ng ama ng biktima, tinakot umano ang kanyang anak na masasaktan kapag nagsumbong hinggil sa nangyari sa kanya.

Depensa naman ng mga suspek na hindi nila pinuwersa ang biktima sa halip ay kusang sumama umano ito sa kanila.

Inamin din umano ng mga suspek na kinunan nila ng video ang ginawa sa biktima ngunit iginiit na hindi sila ang nagpakalat nito sa social media.
Sa kabila nito ay desidido umano ang pamilya ng biktima na magsampa ng reklamo laban sa mga suspek.

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng pulis­ya ang boyfriend ng biktima na napag-alamang 19-anyos na. Pansamantala namang ibinigay sa pangangalaga ng lokal na tanggapan ng Department of Social Welfare and Development ang apat na suspek na mga menor de edad pa.