Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Rapid antigen test sa panahon ng Omicron

0 54

Kumalat na ang Omicron variant ng SARS Coronavirus-2 sa ating bansa. Ito ang nasa likod ng walang kapantay at kasimbilis na pagsirit ng bilang ng mga kaso ng bagong impeksyon na natala mula sa unang linggo ng Enero hanggang sa kasalukuyan. Pumapalo sa mahigit 30,000 ang mga kaso nitong nakaraang mga araw.

Noong 2020, ang unang taon ng pandemya, umasa ang marami na ang pagtuklas at malawakang pagpapalaganap ng bakuna  kontra sa COVID-19 virus ang lilikha ng herd immunity, wawaksi sa virus, at magwawakas sa pandemya. Noong 2021, pinakita ng paglitaw ng Delta (mas mabilis makahawa) at Omicron (lalong mas mabilis makahawa at kayang lusutan ang mga bakuna) na hindi makasasapat ang pagsalalay lamang sa bakuna upang wakasan ang pandemya at bumalik sa “normal.” Nananatili ang bakuna bilang pinakamabisang hakbang para protektahan ang indibidwal mula sa malubhang sakit o pagkamatay dahil sa COVID-19, ngunit hindi maaasahan ang mga kasalukuyang bakuna upang pigilan ang hawahan at kung gayon, ang patuloy na sirkulasyon ng virus.

Pinatatampok ng kasalukuyang daluyong ng Omicron sa buong daigdig ang kahalagahan ng testing – partikular ng rapid antigen test o lateral flow test. Ito ang tipo ng test na maaaring gawin sa sarili (sa pamamagitan ng nasal swab o saliva sample), na nagbibigay ng resultang positibo o negatibo para sa coronavirus sa loob ng 15 minuto. Naiiba ito sa RT-PCR test, na isinasagawa sa laboratoryo na may espesyal na kagamitan.  Noong July 2020, pinanukala ng isang epidemiologist ng Harvard University sa US, si Prof. Michael Mina, ang araw-araw na paggamit ng rapid antigen test ng bawat isang indibidwal bago umalis ng bahay bilang paraan upang makabalik ang lipunan sa normal at maiwasan ang mga matagalang quarantine at lockdown. Lumabas ka ng bahay kung negative, magquarantine at magpagamot kung positive.

Bilang tugon sa pagkuwestiyon ng ilang mga siyentista at doktor sa mas mababang accuracy ng rapid antigen test, na nasa 70% hanggang 99% kumpara sa RT-PCR , nilinaw ni Mina na magkaibang kasangkapan ang dalawa, na may magkaibang layunin. Ayon sa kanya, diagnostic tool ang RT-PCR test: kaya nitong matukoy ang pinakakatiting na presensya ng COVID-19 virus sa iyong katawan. Samantala, screening tool ang rapid antigen test, na epektibong nakatutukoy kung nakahahawa o hindi nakahahawa ang isang indibidwal na may COVID.

Ngunit hindi ang US, kundi mga bansa ng European Union at UK ang unang nagpatupad ng panukala ni Mina. Sa mga bansang ito, pinamamahagi nang libre ng gobyerno ang mga rapid test kit sa bawat tahanan. Maaaring makabili ng mga murang test kit sa mga tindahan at drug store.

Dahil sa iba’t ibang kadahilanan, nahuli ang US sa paggamit sa rapid antigen test bilang mahalagang kasangkapan sa kanilang pandemic response. Nito lamang buwan ng Enero inanunsyo ni Pres. Biden na libreng ipamamahagi ng gobyerno ang 500 milyon rapid antigen test kit sa publiko.

Sa kasamaang palad, sinundan ng administrasyong Duterte ang ehemplo ng US. Nananatiling mahal at mahirap makahagilap ng mga rapid antigen test kit sa Pilipinas. Dineklara ng Food and Drug Administration kamakailan na wala pa itong ni isang inaaprubahan na self-administered rapid antigen test kit.

Sa gitna ng pambihirang pagsirit ng mga impeksyon dahil sa Omicron, panahon na upang ipatupad ng gobyerno ang libre at malawakang pamamahagi at paggamit ng mga rapid antigen test sa tahanan, paaralan, opisina, at pagawaan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.